Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga artista, naging biktima rin ng karahasan ngayong 2011


Maging ang ilang artista ay hindi nakaligtas sa karahasan sa taong 2011 na nag-iwan sa kanila ng matinding tauma, at mayroon ding hindi na pinalad na mabuhay. Pagpasok pa lang nang 2011, bumulaga na sa showbiz industry ang pagkakakita sa bangkay ng “Baywalk Bodies" member na si Rejoice Rivera sa North Luzon Expressway (NLEX). Dalawang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Rejoice (Dianne Marie Santos sa tunay na buhay). Hanggang ngayon ay patuloy pang inaalam kung sino ang nasa likod ng naturang krimen. Ang pagpatay kay Rejoice ay iniugnay sa sinasabing lider ng carnapping group na si Raymond Dominguez, na naging nobyo umano ng biktima. Si Dominguez ay itinuturong suspek din sa pagpatay sa mga car dealer na sina Venson Evangelista at Emerson Lozano, at sa drayber ni Lozano na si Ernani Sensil. Sa tama rin ng bala nagwakas ang buhay ng 38-anyos na aktor na si John Apacible nang barilin siya sa dibdib ng kanyang tiyuhin na si Armando Rustia sa loob ng kanilang bahay sa Cainta noong Marso. Sinasabing away bunga ng labis na kalasingan ang naging dahilan ng pagbaril kay John o Enrique Rustia sa tunay na buhay. Sumuko naman ang kanyang tiyuhin matapos ang nangyaring pamamaril. Pinaka-kontrobersiyal naman na krimen ang pagpatay sa kapatid sa ama ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr, na si Ram o Ramgen Revilla noong Oktubre sa loob ng kanyang bahay sa Paranaque. Bukod sa binaril, sinaksak pa ang young actor na anak ni dating Sen Ramon Sr, sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay. Malubha ring nasugatan dahil sa tinamong isang tama ng bala sa mukha ang young actress na si Janelle Manahan, nobya ni Ramgen. Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na suspek sa karumal-dumal na krimen ang ilang kapatid ni Ramgen, na mariin namang itinanggi ng mga ito at ng kanilang ina na si Genylyn. Abril naman nang dukutin ng mga hinihinalang carnapper sa Marikina at tadtarin ng saksak ang batikang aktres na si Pilar Pilapil. Mapalad na nabuhay ang aktres na nagawang makahingi ng saklolo nang iwan na siya ng mga salarin sa kalapit na bayan ng Antipolo City sa pag-aakalang patay na ito. Tinangay naman ng mga suspek ang kasama ni Pilapil sa sasakyan na si Rosel Jacosalem Peñas, na kalaunan sa imbestigasyon ng pulisya ay naging kabilang na sa mga suspek. Hunyo naman nang sumugod sa ospital ang actor-director na si Ricardo “Ricky" Rivero na nagtamo ng mga saksak sa katawan sa Quezon City. Nadakip at naging suspek sa pananaksak kay Ricky si Ivan Ruiz, na nakilala at naging kaibigan ng aktor sa pamamagitan ng social networking site na Facebook. Iba pa Hindi man naging biktima ng karahasan, nalagay sa bingit ng kamatayan ang young actor na si Joseph Bitangcol nang mabangga ang sinasakyan nitong kotse kasama ang limang kaibigan sa lalawigan ng Rizal. Sumailalim sa operasyon ang mukha ni Joseph upang ayusin ang mabasag na buto sa pisngi. Napasugod naman sa himpilan ng pulisya ang actor-councilor na si Alfred Vargas matapos mahuli ang kanyang kasambahay na umano’y tinangay ang kanyang safety vault sa bahay. Dismayado si Alfred dahil hindi niya inakala na gagawa ng masama sa kanya ang taong kanyang pinagkakatiwalaan. Nasangkot din sa kontrobersiya ang batikang aktres na si Maricel Soriano dahil sa alegasyon ng kanyang dalawang dating kasambahay ng pananakit at verbal abuse. Bagaman idinepensa ng mga kaibigan sa naturang akusasyon, nanatilin namang tahimik ang tinaguriang Diamond Star ng Philippine showbiz sa isyu hanggang maisampa sa piskalya ang kaso. Pagluluksa Marami ring alagad ng sining sa pag-arte ang pumanaw at ilang artista ang nagluksa sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay ngayong 2011. Kabilang sa mga pumanaw dahil sa mga karamdaman ang batikang kontrabida na si Paquito Diaz; dating aktor at modelo na si Leo Rabago; ang legendary actor na si Armando Goyena; 1974 Miss Universe na si Amparo Muñoz; ang TV director at choreographer na si Lito Calzado; ang film director at manunulat na si Direk Ben Feleo; ang batikang direktor na si Boots Plata; at ang stand-up comedian at Kapuso talent na si ‘Tomas.’ Unang Pasko rin na hindi na makakapiling ng sexy Kapuso star na si Rufa Mae Quinto ang kanyang Lola Lucing, na nagpalaki sa aktres. Malungkot din ang naging Pasko ng Tween star na si Jake Vargas dahil sa pagpanaw ngayong Disyembre sa sakit na cancer ng kanyang mahal na ina na si Gng Magdalena Vargas. Sakit na cancer din ang umagaw sa buhay ng mister ni Camille Prats na si Anthony Linsangan, na pumanaw sa edad na 32, noong Setyembre. Setyembre rin nang pumanaw dahil sa sakit si Gng Susan Placer-Younghusband, ina ng sikat na magkapatid na football player na sina Phil at James Younghusband. Pumanaw din ngayong taon ang nag-iisang kapatid na babae ni German “Kuya Germs" Moreno na si Pilar Moreno Nite, ina ng TV host na si John Nite. Sa marahas na paraan naman pumanaw ang ama ng Pinay international singer na si Charice na si G. Ricky Pempengco. Sinaksak umano ng suspek na si Angel Capili ang ama ni Charice noong October 30, sa San Pedro, Laguna. Depensa ni Capili, ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili pero hindi naniniwala rito si Charice. -- Fidel R. Jimenez, GMA News