Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ilang celebrities, pumalag sa cyberbullying


Maging ang ilang celebrities ay hindi na pinaliligtas ng mga tinatawag na “basher" sa mga social networking sites gaya ng Twitter. At ilan sa kanila ay hindi naman basta-basta magpapatalo sa mga cyberbully. Nitong mga nakaraang linggo, ilang celebrities kagaya nina Lea Salonga, Regine Velasquez at Sharon Cuneta ang nakatanggap ng pang-iinsulto sa mga basher sa mga social networking site. Sa ulat ni showbiz reporter Audrey Carampel sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing ang nabanggit na mga singer-actress ay nanindigan laban sa ganitong klase ng cyberbullying. Dahil halos abot-kamay na ang mga artista at celebrity dahil sa kanilang mga social media accounts, madali nang nalalaman ng mga tao kung ano ang kanilang ginagawa at ano ang kanilang saloobin. May mga celebrity rin na nagse-share ng kanilang mga litrato para sa kanilang fans and followers. Pero kung minsan, ang pagiging open ng mga artista at celebrity ang ginagamit na pagkakataon ng ilan para makapanakit ng damdamin sa pamamagitan ng panglalait. Hindi nakaligtas sa ganitong masamang gawain ang Asia’s Song Bird na si Regine nang may manlait sa kanilang anak ni Ogie Alcasid na si Baby Nate. Kaagad na ipinagtanggol ni Regine ang kanilang anak, gayundin ang amang si Ogie. “Yung sensitivity niya as a mom and as my wife is very high and I understand where she’s coming from. Kami pwede niyo na kaming sabihan ng kung ano-ano, (pero) ‘wag naman yung baby," pakiusap ni Ogie. Si Regine, aminadong nabigla sa ginawa niyang pagpatol sa basher at ayaw na raw niya itong pag-usapan muli. Ang Mega Star na si Sharon Cuneta, sunod-sunod ang pagpost ng tweets kamakailan para sabihin ang kanyang sama ng loob sa mga nanlalait sa kanila ng kanyang anak na si KC Concepcion. Hindi rin nakaligtas sa mga basher ang International Pinay artist na si Lea, na nagpayo na hindi dapat gamiting platform ang mga social media sites para mang-insulto. At kung manglalait, mabuting itama raw ang grammar. Ang kawalan ng sumasala sa mga mababasa sa mga social networking site ang dahilan kaya naman daw hindi sumasali sa modernong paraan ng komunikasyon si Judy Ann Santos. Aminado siya na kayang tanggapin ng mga magulang ang panlalait sa kanila pero ibang usapan na kung anak ang pupunahin, bagay na nangyari kina Regine at Sharon. -- FRJ, GMA News