Filtered By: Showbiz
Showbiz

Regine Velasquez, naghahanda na para sa libreng Silver Anniversary concert


Aminado ang Asia's Songbird Regine Velasquez– Alcasid na medyo kinakabahan siya sa muling pagsabak sa entablado para sa restaging ng kanyang Silver Anniversary concert na gaganapin sa Enero 5, 2013 sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
 
Bilang paghahanda sa kanyang libreng concert, dalawang linggo ring hindi kumanta o nagsalita ang mang-aawit upang tuluyan na gumaling ang kanyang boses. Kaya naman, ngayon ay handa na raw siya sa muling pagsabak sa entablado.
 
"I'm better. My voice is still not 100% kasi ganon 'yon, eh. Medyo matagal talaga [gumaling] kasi medyo na-strain ko ng konti. It's getting better," wika ni Regine sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng 24 Oras noong Martes.
 
Noong Nobyembre 16 ay matatandaang itinigil sa kalagitnaan ang concert dahil masama ang pakiramdam ni Regine dulot ng isang matinding virus na naka-apekto sa kanyang pagkanta.
 
 
Ikinuwento rin nito na may ilang tagahangang nagtu-Tweet sa kanya na nagsasabing hindi na niya kailangan pang ulitin ang concert nang libre dahil sapat na para sa kanila ang unang Silver concert nito.
 
Aniya, "Kasi kahit papaano parang nag-enjoy naman daw sila kaya I'm really thankful na ganon yong attitude nong audience at nong mga friends [sa concert]."
 
Gayundin, isa raw sa mga natutunan ni Regine noong gabi ng kanyang concert ay lalo pang pahalagahan ang pagmamahal na ipinapamalas ng kanyang mga tagahanga na walang tigil sa pagsuporta, may boses may siya o wala. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News