Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rocco Nacino bilang host ng 'Out Of Control': 'It makes me more versatile as an artist'



Bago para sa Kapuso actor na si Rocco Nacino ang kaniyang karanasan bilang host ng Saturday Public Affairs show ng GMA Network na "Out Of Control."
 
"It's something new, it's fun, and out of my comfort zone kasi usually I'm acting," pahayag nito. "With this show, pinapalaki pa niya 'yong range ko— it makes me more versatile as an artist."
 
Dahil sa bagong proyekto sa GMA Public Affairs na tatalakay sa psychological disorder ng isang tao, nailalabas daw ni Rocco ang kaniyang pagiging nurse.
 
"Nilalabas niya (ng programa) 'yong pagka-nurse ko, kaya laking tulong nito sa'kin— it's something I could grow as a person," ayon sa aktor.
 
Nakapagtapos ng kursong BS-Nursing si Rocco bago siya sumali sa reality talent search ng GMA na Starstruck.
 
Makakasama ni Rocco sa "Out Of Control" bilang host si Mariz Umali, at mapapanood ito ngayong Nobyembre 23, Sabado, sa GMA-7 pagkatapos ng "StarTalk TX."
 
Pilot episode
 
Ang kuwento ni Nanay Terry, isang animal hoarder, ang tatalakayin ni Rocco sa pilot episode ng palabas.
 
"It's a new experience para sa'kin kasi pagdating namin do'n, ang sumalubong sa'kin tatlong pitbulls," ani Rocco.
 
Mayroong 35 aso si Nanay Terry na parehong nasa una at ikalawang palapag ng kanilang tirahan. 
 
"Parang 'yong cages nila [maliit] tapos parang kasyang-kasya na sila. 'Pag may bisita 'yong may-ari ng mga aso, pwede silang makagat anytime," kwento nito. "Tapos sa second floor ng bahay niya, meron pa dung mga aso. Pag-akyat ko do'n— it was a different sight, hindi katulad ng mga aso ko, 'yong mga alaga ko."
 
Patuloy pa niya, "Pag-akyat ko ang mga sumalubong sa'kin na aso (na) ang papayat na makikita mo talaga 'yong ribs nila lumalabas na, sobrang papayat. Tapos kalbo na sila, lahat sila madungis, lahat sila may scabs. Pero yung pagpakilala sa'kin ni Nanay Terry, very welcoming, ang turing niya kasi sa mga aso niya, parang apo nila kasi wala silang apo."
 
Gayundin, hindi umano nakikita ni Nanay Terry na hindi na maganda ang pag-aalaga nito na kanyang mga kinikilalang "apo." Sa katunayan, kung saan-saang parte ng bahay dumudumi ang mga aso.
 
"Naisip ko agad ang sanitation ng mga tao sa bahay and lahat ng gamit ng mga tao. Kasi yung gitna libre 'yon to make way for the dogs— ganon nila pina-prioritize ang mga aso, ganon nila ka-love," saad nito.
 
Bukod sa animal hoarder, isa pa sa mga tatalakayin ni Rocco sa palabas ang tungkol sa isang "cutter" na sinusugatan ang sarili.
 
 "Ang gusto ko makita, kung papaano siya bumangon," aniya.
 
Pagkilala sa mga paksa ng palabas
 
Sinabi ni Rocco na malaking tulong sa kaniyang career ang mga proyektong ginagawa nito sa Public Affairs. 
 
"Masaya kasi nagma-mature ako after my shows," batid nito.
 
Napanood na siya bilang mayor sa kauna-unahang dramaserye ng GMA News TV na "Bayan Ko," at bilang si Pedro Calungsod sa GMA News TV Historical Docudrama na "San Pedro Calungsod."
 
"Nakaka-enlighten, nag-eenjoy ako," dagdag ni Rocco, na lead actor ngayon sa primetime series na "Akin Pa Rin Ang Bukas."
 
Hindi tulad ng nakasanayan na pag-arte, kilalanin at papasukin ni Rocco ang loob ng mga paksang tatalakayin sa "Out Of Control."
 
"It's a matter of having an inviting aura through your questions, how you handle yourself, how you look at your client—kung paano ka sa harap nila na you show interest in them which helps break that wall, that barrier na meron sila," aniya.
 
Paliwanag pa ni Rocco, kailangan nilang makakuha ang tiwala ng kaniyang mga paksang tao dahil hindi nila kadalasang nakikita ang bigat ng sarili nilang kalagayan. 
 
"Kasi usually, these clients don't see what they're doing as a problem kaya may wall kasi hindi nila ina-accept ang problema nila," aniya. "It's up to us ni Mariz na i-break 'yon at makausap sila hindi para i-judge sila, kundi para makakuha kami ng understanding to what's he's going through and why he's doing that in order to make a diagnosis of what's happening and then, help them."
 
Nang tanungin naman kung may sarili siyang obsession: "Keeping my hair nice, pero metrosexual na 'yon," pabirong sagot ni Rocco.
 
Patuloy pa nito, "I don't really have any, sleeping patterns maybe?"
 
Mapapanood ang "Out Of Control" nina Rocco at Mariz simula Nobyembre 23, Sabado, pagkatapos ng "StarTalk TX." -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News