Filtered By: Showbiz
Showbiz

Anderson Cooper, Rob Schnieder, bibigyan ng 'star' sa Walk Of Fame Philippines


Sa unang  pagkakataon, isang international broadcast journalist ang maisasama sa listahan ng celebrities na mabibigyan ng "star" sa Walk Of Fame Philippines sa Eastwood, Quezon City.

Inihayag sa GMA News Online ni German "Kuya Germs" Moreno, namamahala sa Walk Of Fame, ang 25 pangalan na pararangalan ngayong taon kung saan kabilang ang CNN broadcast journalist na si Anderson Cooper.

"Malaki ang naitulong ni Anderson para mapansin ng mundo ang sinapit ng mga lugar na sinalanta ng bagyong 'Yolanda," paliwanag ni Kuya Germ nang tanungin kung bakit napabilang si Anderson sa mga pararangalan ngayong taon sa kaniyang proyektong nagsimula noong 2005.

"Talagang kahit saan interview niya (Anderson), sinasabi niya ang nakita niya sa Tacloban, na kailangan ng tulong ng mga tao. At dahil doon, nakita naman natin ang naging akisyon ng buong mundo; ang daming tumutulong sa atin," dagdag ni Kuya Germs na kilala din sa showbiz industry bilang "Master Showman."

Kabilang si Anderson sa mga international broadcast journalist na kaagad nagtungo sa mga lugar sa Visayas region na matinding hinagupit ng bagyong "Yolanda." Bukod sa matinding epekto ng bagyo, ibinalita rin ni Anderson ang mga kakulangan ng pamahalaan sa pagtugon sa kalamidad at pati na ang katatagan ng mga Pilipino na kaniya umanong hinangaan.

CNN's Anderson Cooper reported from Tacloban five days after Yolanda hit that "People are desperate. People do not have any place for shelter. It’s very difficult for people to get food. . .It is a very, very bad situation here.”






Ayon kay Kuya Germs, magpapadala sila ng komunikasyon kay Anderson sa gagawing paglalagay sa kanya sa Walk Of Fame, na kahalintulad ng sikat na Hollywood Walk Of Fame.

"Sana pumunta siya rito sa ceremony," asam ni Kuya Germs. "Pero kahit hindi siya dumating, ilalagay natin ang pangalan niya."

Paliwanag ni Kuya Germs, sa sariling bulsa niya hinuhugot ang gastusin sa kanyang proyekto na ang layunin ay mabigyan ng pagkilala ang mga celebrity. Mapalad umano siya na nagkaroon na siya ngayon ng katuwang sa proyekto sa katauhan ni Alice Eduardo na kilala rin sa industriya.  

Samantala, ilan sa mga local broadcast journalist na nabigyan na ng star sa Walk Of Fame ay sina Jessica Soho, Mel Tiangco, Mike Enriquez, Arnold Clavio, Noli de Castro, Korina Sanchez, Tina Monzon-Palma at ang namayapang si Angelo Castro.

Ngayon taon, kasama ni Anderson sa 25 pangalan na pararangalan sa Eastwood City sa December 1, ang may dugong Pinoy na Hollywood actor na si Rob Schneider, na pumatok sa comedy film na "Deuce Bigalow."
 
Nasa listahan din sina Manding Claro (matinee idol noong 1950's), Wing Duo na sina Angie Yoingco at Nikki Ross, Jamie Rivera, German Moreno,  Alice Eduardo, Joel Torre, TJ Trinidad, Edgar Mortiz, Bembol Roco, Direk Laurice Guillen, Vicky Morales, Gladys Reyes,  at Toni Gonzaga.

Kasama rin sina Dr Manny at Pie Calayan, Joel Cruz, mga beauty queen na sina Miss World Megan Young, first Miss Universe Armi Kuusela, 1973 Miss Universe Margie Moran, at mga naging Miss International na sina Stella Marquez-Araneta,  Melanie Marquez,  Gemma Cruz, Precious Lara Quigaman at Aurora Pijuan. -- Fidel R. Jimenez, GMA News