Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kapuso stars, nagningning sa red carpet ng PEP List Awards


Matapos ianunsiyo noong Marso ang mga nagwagi, pormal nang pinarangalan nitong Martes ng gabi ang mga nahirang sa kauna-unahang Philippine Entertainment Portal o PEP List Awards. Ang mga pinarangalang Kapuso stars, lalo pang nagningning sa kanilang mga kasuotan nang pagrampa sa red carpet.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing naging star-studded ang kauna-unahang PEP List Awards na idinaos sa Solaire Hotel and Casino.

Naggagandahan at naggagwapuhan ang mga Kapuso celebrity na rumampa sa red carpet. 

Sexy sa kanyang see-thru-gown si Lovi Poe, na ang escort ay ang kanyang best friend na si Rocco Nacino.

Simple but elegant naman si Julie Anne San Jose, habang makinang naman ang blue gown ni Janine Gutierrez.



Ang escort ni Janine na si Elmo Magalona, young and hip ang dating.
 
Tila nag-compliment naman ang kulay ng gown ni Carla Abellana sa blue tux ng kanyang escort na si Tom Rodriguez.

Looking sharp naman sina Alden Richards, Enzo Pineda at Mikael Daez sa kanilang tuxedo.

Si Bea Binene naman, dalagang-dalaga na ang dating sa kanyang black and white number.

Ang "Aleng Maliit" na si Ryzza Mae Dizon, kasama ang ilang dabarkads na sina Joey de Leon, Allan K, Ruby Rodriguez at Paolo Ballesteros na rumampa sa red carpet.

Bukod sa kanyang gown, ipinagmalaki pa ni Ryzza ang kanyang silver heels, na binili daw sa Divisoria.

Very sophisticated naman ang dating nina Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Sa kategorya ng Pepsters' Choice ng PEP List Awards, kinilala si Tom Rodriguez bilang Breakout Star of the Year. Ang tambalang Tom-Den naman ang Celebrity Pair of the Year.
Sina Renz Valerio at Ryzza Mae ang Child Stars of the Year.

Si Lovi Poe ang nag-uwi ng Fab Star of the Year, at si Joey de Leon ang hinirang na Male Showbiz Treasure.

Ang tambalan nina Elmo Magalona at Julie Anne San Jose ang Teen Stars of the Year. At si Vic Sotto naman ang hinirang na Male TV Star of the Year.

Sa Audited Category, winners ang kontrobersyal na mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto bilang Male and Female Newsmaker of the Year.

Sa Editors' Choice Category, wagi si Gloria Romero bilang Female Showbiz Treasure. Napunta naman sa My Husband's Lover ang Primetime TV Show of the Year.

Ang "Eat Bulaga" ang itinanghal na Daytime TV Show of the Year.

Kinilala naman sa Pinoy Pride si Megan Young sa pagkapanalo niya ng Miss World noong 2013.

Sa kategoryang ito ay muling kinilala si Ryzza Mae bilang Child Star of the Year, habang si Tom Rodriguez ang Breakout Star of the Year.

Si Bossing Vic ang Male TV Star of the Year, at si Marian Rivera ang Female TV Star of the Year.

Samantalang kinilala rin ang pagpupursige ni Dingdong Dantes sa pagtulong sa kapwa at tinanggap niya ang Thumbs Up Award. -- FRJ, GMA News