Filtered By: Showbiz
Showbiz

Comedienne Tiya Pusit passes away


Pumanaw na ang batikang komedyante na si Tiya Pusit, o Myrna Villanueva sa tunay na buhay. Siya ay 66-anyos.

Ayon sa anak ni Tiya Pusit na si Christian, dakong 11:30 p.m. nitong Huwebes nang bawian ng buhay ang ina na nakaratay sa Philippine Heart Center, kung saan siya inoperahan sa puso.

Nitong nakaraang Agosto nang ma-diagnose ang aortic aneurysm at kidney failure ni Tiya Pusit na dahilan para maratay na siya sa ospital.

Dahil na malaking gastusin sa operasyon, umapela ng tulong at dasal ang mga kaanak at kaibigan sa showbiz para sa beteranang aktres na kapatid ng komedyante ring si Nova Villa.

Basahin: Nova Villa, humingi ng dasal para sa paggaling ng kapatid na si Tiya Pusit

Ilang beses ding ipinagpaliban ang operasyon sa puso ni Tiya Pusit dahil sa komplikasyon. At nitong Setyembre 9 nang isagawa sa komedyante ang double bypass surgery.

Pero noong nakaraang linggo, inihayag ni Christian na hindi bumuti ang kalagayan ng ina matapos ang nasabing operasyon.

Isang benefit concert din ang inihanda ng mga kasamahan ni Tiya Pusit sa industriya para sa kaniya na gaganapin sana sa October 5 sa Zirkoh Bar sa Tomas Morato, QC.

Tumatak sa publiko ang paraan ng makakikiliting pagtawa ni Tiya Pusit na napanood sa maraming pelikula tulad ng Pakners, Once Upon a Time in Manila, Good Morning Teacher, at marami pang iba.

Napanood din siya sa maraming programa sa telebisyon tulad ng One True Love, Beh Bote Nga at Bahay Mo Ba 'To sa GMA.-- FRJ, GMA News

Tags: tiyapusit
LOADING CONTENT