Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joey de Leon, nilalakad daw sa GMA-7 ang game show ni Willie Revillame


Isiniwalat ni Joey de Leon nitong Biyernes sa noontime show na Eat Bulaga na nagtutulong sila ng newscaster na si Mike Enriquez para mapanood sa GMA-7 ang sikat na game show noon ni Willie Revillame.
 
Basahin: Kuya Germs clueless on rumors of Willie Revillame's entry into GMA-7 fold
 
Sa pagsisimula ng segment ng Eat Bulaga na "Sugod-Bahay," binati ni Joey si Willie na tinawag niyang "pare" na nanonood umano ng mga sandaling iyon.

"Sabi ko nga nilalakad ko sa channel 7 yung alas-singko gawin nang 'Wowowee,' alas-singko hanggang bago mag-news," patungkol ni Joey sa primetime newscast ng GMA na 24 Oras.

"Kami ni Mike Enriquez medyo inaayos namin," dagdag pa niya.

Kabilang si Mike sa mga anchor ng 24 Oras -- kasama sina Mel Tiangco at Vicky Morales, na nagpapanood tuwing 6:30 p.m.

"Maganda 'yan channel 7, 5:00 to 6:30 [p.m] 'Wowowee' tapos '24 Oras.' Iba yung kumpare natin e," dagdag pa niya Joey.

Sinabi naman ni Sen Tito Sotto na katabi ni Joey sa Eat Bulaga na ang nabanggit na oras na planong ilaan sa programa ni Willie ay time slot ng isang sikat na programa noon na "Oras Ng Ligaya."

"Panahon ng 'Oras Ng Ligaya,' noong araw di ba," ayon kay Tito Sen.
 
Idinagdag pa ni Joey na sinabi niya kay Willie na ang Eat Bulaga dabarkads ang bahalang magpromote ng magiging programa nito sa GMA- 7 sa hapon dahil mauunang silang panood sa longest running noontime show sa bansa.

"Dahil mauuna tayo...tanghali tayo e, alas-singko siya [Willie]," ani Joey.

Dating napanood ang "Wowowee" ni Willie sa ABS-CBN. Nang lumipat ang host sa TV5, tinawag na "Will Time Big Time" ang kaniyang game show, at pinalitan ng "Wowowillie" na huling umere noong Oktubre 2013.



Matatandaan na nagkaroon ng iringan noon sina Joey at Willie pero natuldukan din nang surpresahin ni Willie si Joey sa show nitong Startalk noong Oktubre 2012.

Basahin: Joey de Leon, sinurpresa ni Willie Revillame sa bakuran ng GMA-7

Sa isang panayam noon, sinabi ni Joey ang malaking paghanga niya kay Willie na umasenso sa buhay matapos ang mga pinagdaanang hirap.

“Sa kasaysayan ng ibang artista yung dinaanan mo ibang klase, hindi naging supot yung paputok mo… sumabog talaga ‘to. Pero dumaan sa kahirapan ‘tong taong ito, pati mga hindi nakaintindihan, nakaaway, nakakumpetensiya pero bilib ako sa'yo pare," ayon kay Joey.

Inalala naman ni Willie ang ilang pelikula na pinagsamahan nila ni Joey noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz kabilang na ang Barbie at Sam and Miguel. -- FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT