Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jinkee wants Manny Pacquiao to retire after the Mayweather fight


Isang araw pagkatapos makumpirmang tuloy na nga ang laban sa pagitan ni Manny 'Pacman' Pacquaio at Floyd Mayweather, Jr., nag-alay ng pasasalamat ang pamilya ng Pambansang Kamao sa pamamagitan ng mataimtim na pagdarasal.

Ayon sa ulat ni Mark Zambrano sa "24 Oras" nitong Linggo, buong-buo ang suporta at kumpiyansa ng pamilya ni Pacquiao para sa laban na gaganapin sa Mayo 2. 
 
 
Gayunpaman, para sa maybahay ni Manny na si Jinkee, ito na dapat ang huling laban ng asawa ngayong nakamit na ng sambayanan ang kanilang inaasam na tunggalian.
 
“After this, mag-retire na siya kasi ito lang naman talaga ang hinihintay ng lahat, at syempre hinihintay rin niya. Gusto niya talagang makalaban si Mayweather kaya siya nga ang unang pumirma. Mag-retire na sana siya after,” hiling ni Jinkee.
 
Samantala, patuloy ang matinding paghahanda ni Pacman para sa tinaguriang isa sa pinakamalaking laban sa kasaysayan ng boxing, na higit sa limang taon na ring hinintay ng boxing fans sa buong mundo. Nais umano niyang siguruhin na siya ang magwawagi sa harapang ito.
 
Hindi rin nagpapaapekto si Manny sa mga patutsada ni Mayweather na siya na ang magiging ika-48 na biktima nito sa boxing ring.
 
Aniya, “Nire-ready natin ang sarili natin spiritually, physically, and mentally. The Lord, my God, reserves. He will deliver Him into my hands.”
 
Dagdag pa ni Pacquiao, “Napakahalaga ng labang ito. Alay ko ito sa sambayanang Pilipino, mga nagsakripisyo, sa mga pamilyang namatayan. Ang title ng labang ito is 'Lalaban ako para sa Pilipino.'”
 
Lilipad sa susunod na linggo si Pacman patungong Amerika upang doon ipagpatuloy ang kanyang pag-eensayo para sa laban kontra kay Mayweather. — Bianca Rose Dabu/JDS, GMA News