Filtered By: Showbiz
Showbiz

Beauty pageant na Miss Republic of the Philippines, nagbabalik


Nagbabalik ang Filipino beauty pageant na Miss Republic of the Philippines ngayong taon matapos itong makilala bilang isa sa mga inaabangang patimpalak ng kagandahan at talino noong1966 hanggang 1976.
 
Sa pangunguna ni Lynette Padolina, Miss Republic of the Philippines President, idinaos ang screening para sa aspiring candidates ng nasabing pageant na magkakaroon ng pagkakataon na hindi lamang mabigyan ng korona kung hindi mahandugan din ng scholarship grant para sa isang four-year college course o post-graduate course.
 


Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa “24 Oras” nitong Miyerkules, rumampa suot ang swimsuit at dumaan rin sa Question and Answer portion ang mga aspirants na nais maging bahagi ng 20 opisyal na kandidata ng patimpalak.
 
Makakalaban ng mapipiling 20 opisyal na kandidata ang darating na 20 pang Filipina beauties mula sa iba't ibang Filipino communities sa ibang bansa.
 
“It is going to be a global competition. This is something that we've been wanting to have to support the education foundation for our beauty titles,” paliwanag ni Padolina.
 
Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang mga kandidata mula sa ibang bansa sa Agosto, at gaganapin naman ang grand coronation night ng Miss Republic of the Philippines sa Nobyembre.
 
Bukod sa scholarship, titulo at korona, magkakaroon rdn ng pagkakataon ang magwawagi na palawigin at ipakalat ang mayaman at makulay na kultura ng Pilipinas sa iba't ibang bahagi ng mundo. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News