Filtered By: Showbiz
Showbiz
'Jolly' ang Jose-Wally tandem

Paano nag-krus ang landas nina Jose at Wally sa Eat Bulaga?


Kilalang nagdudulot ng saya sina Jose Manalo at Wally Bayola sa Eat Bulaga dabarkdas at mga Kapuso. Pero paano nga ba nag-krus ang landas ng dalawa gayung magkaibang-magkaiba ang kaniyang kinalakihan?

Sa Jose, o Ariel sa tunay na buhay, ay pasaway at lagalag na batang Tundo. Habang laking kumbento naman sa piling ng tiyuhing pari sa Naga, Camarines Sur si Walter James, na mas kilala sa pangalang Wally.
 
Kamakailan lang ay muling tinalakay sa Kapuso program na Tunay na Buhay ang kuwento ng buhay nina Jose at Wally, na kapag pinagsama ang pangalan tulad ng mga love team ngayon ay lalabas ang katagang "Jolly."
 
Pag-amin ni Jose, laki siya sa hirap at maraming trabahong pinasukan tulad ng pagiging padyak o pedicab driver, vendor ng sigarilyo at kandila, pagiging clown, paglalako ng damit at iba pa.
 
Hanggang sa makapasok si Jose bilang ekstra sa dating television series na "Valiente," na produced din ng TAPE Inc., ang kumpanyang nasa likod din ng Eat Bulaga.
 
Kinalaunan, naging production assistant sa Eat Bulaga si Jose, naging floor director, hanggang sa naging host na ng numero-unong noontime show.
 
Samantala, lumaki naman si Wally sa pag-aaruga ng kaniyang tiyuhin na pari dahil kinailangang magtrabaho sa ibang bansa ang kaniyang ina.
 
Nang makapagtapos ng kolehiyo, nakasama si Wally sa isang banda sa Naga. At sa isa nilang pagtatanghal, nakilala niya si Andrew de Real, ang may-ari ng isang comedy bar na nag-alok sa kaniya ng trabaho sa Maynila.
 
Nang mabuwag ang kaniyang banda, makipagsapalaran na si Wally sa Maynila at pinuntahan si Andrew at nagsimula siyang maging stand-up comedian/singer.
 
Nang mangailangan ang Eat Bulaga ng bagong host, kabilang si Wally sa mga nag-audition at mapalad na nakapasa at napiling maging bahagi ng programa.
 
Dito na nagsimulang mag-krus ang landas nina Jose at Wally at mabuo ang kanilang samahan patungo sa kanilang tagumpay at paghahatid ng saya sa mga Kapuso at dabarkads ng Eat Bulaga.



--
FRJimenez, GMA News