Filtered By: Showbiz
Showbiz

AiAi Delas Alas joins Kalyeserye as Alden's Lola Babah


May bagong karakter na dumating sa Kalyeserye ng noontime show na “Eat Bulaga” ngayong Miyerkules—ang lola ni Alden na si Doña Barbara Leticia Rockefeller viuda de Faulkerson, o si Lola Babah na half-Russian at half-Waray.

Ginagampanan ni Comedy Queen AiAi Delas Alas ang bagong karakter na ito, na bumisita umano sa Pilipinas upang makapagdiwang ng kaniyang kaarawan kasama ang apo.

Kasama ni Lola Babah ang kaniyang mga bodyguard na tinawag niyang “Sigi Sigi Sprutnik” at dala nila ang maraming singsing upang palitan ang nawawalang singsing ni Alden na mula pa mga ninuno nina Lola Nidora.

Ayon kay Lola Babah, hindi siya papayag na nagiging biktima si Alden ng beast mode ni Lola Nidora dahil lamang sa isang nawawalang singsing.

 

 

Ipinakilala ni Alden sina Lola Nidora at Tinidora sa kaniyang Lola Babah, at ang “babaeng nagpapasaya” umano sa kaniya na si Yaya Dub.

Nang malaman ni Lola Babah na Culinary Arts graduate si Yaya Dub, ipinaalala niya kay Alden ang modelong nakilala nito na nag-aaral na ngayon sa Harvard.

Mabilis namang sagot ni Alden, hindi raw iyon ang nilalaman ng kaniyang puso ngayon kundi si Yaya Dub lamang.

Ikinagalit naman ng mga lola ang pangmamaliit kay Yaya Dub dahil maganda at matalino raw ito, ngunit nagkaayos rin ang lahat nang sabihin ni Lola Babah na kaarawan niya ngayon at hiling niyang kumalma si Lola Nidora upang makapagdiwang siya kasama ang apong si Alden.

Ayon pa kay Lola Babah, hindi nila kailangan mag-away-away dahil lahat naman ng bagay ay nadadaan sa mabuting usapan.

 

 

 

Sa kabila ng pagpapakita ng maraming alahas ni Lola Babah, hindi pumayag si Lola Nidora dahil mahalaga ang singsing na ipinagkatiwala niya kay Alden.

Bilang birthday gift sa lola ni Alden, bukod sa pagiging kalmado ni Lola Nidora, binawi na rin nito ang 24 oras na taning para sa paghahanap ng nawawalang singsing.

Dahil sa palugit na ito, nais rin bigyan ng regalo ni Lola Babah si Lola Nidora sa kaniyang kaarawan sa Sabado.

Sa kabila ng tila masayang pagtatapos ng episode ng Kalyeserye ngayong araw, ipinaalala ni Lola Nidora sa lahat na nanganganib pa rin ang pagdiriwang ng weeksary ng AlDub ngayong Huwebes hanggang hindi pa nahahanap ni Alden ang singsing.

Abangan ang mga magaganap sa weeksary ng AlDub ngayong Huwebes, at ang magiging papel ni Lola Babah sa buhay ng mga lola at ng phenomenal loveteam.

 

 


—Bianca Rose Dabu/NB, GMA News