Filtered By: Showbiz
Showbiz
‘MAHAL NA MAHAL KO SI KUYA GERMS’

Nora Aunor, handang ipagpatuloy ang ‘Walang Tulugan’ para kay Kuya Germs


Kabilang ang Superstar na si Nora Aunor sa mga pumunta sa Loyola Memorial Park sa Marikina City nitong Huwebes upang magpaalam sa kaniyang malapit na kaibigan na si German “Kuya Germs” Moreno sa huling pagkakataon.

Naging madamdamin ang talumpati ni Ate Guy, na nagsimula ang karera sa showbiz na kasa-kasama na si Kuya Germs.

Sa labis nga raw na pagiging malapit nila, biro ng “Little Nanay” star, “Kulang na lang sa amin ay mag-asawa."

Dagdag pa ng batikang aktres, “Mahal na mahal ko si Kuya Germs. Kapag may problema ako, siya ang una kong natatakbuhan. Lahat ng sama ng loob ko, sa kaniya ko nasasabi. Tapos, pinagluluto niya pa ako ng pagkain.”

 

 

Gaya ng nakararami, nais ni Ate Guy na ipagpatuloy ang legasiyang iniwan ng nag-iisang Master Showman sa mundo ng showbiz, kung saan siya itinuring na tatay-tatayan ng ilan sa mga pinakamaningning na bituin sa industriya.

Ayon kay Nora, bukod sa pagsasabuhay ng kabutihang loob ni Kuya Germs, nais rin daw niyang ipagpatuloy ang mga programang iniwan ng namayapang showbiz personality.

“Nakahanda po akong gawin ang mga ginagawa niya dahil alam kong mahal na mahal niya ang mga show na 'yun,” aniya.

Dagdag pa ni Ate Guy, “Kung hindi po aalisin ang show, gusto ko pong ako ang magpatuloy ng show niya, para matupad at maipagpatuloy ang kagustuhan niyang tulungan ang mga kabataang gustong pumasok sa industriya at maipakita ang kanilang talento. Puwede rin akong mag-radyo para kay Kuya Germs.”

Sa huli, humingi ng tulong at gabay ang Superstar sa kaniyang kaibigan at sa nag-iisang Master Showman upang maipagpatuloy ang misyon niyang makatulong sa mga baguhang artista sa industriya na nangangarap rin gaya nila noon.

Ginanap ang huling pamamaalam kay Kuya Germs ngayong Huwebes sa Loyola Memorial Park sa Marikina City, kung saan din siya ihihimlay sa huling pagkakataon.

Bukod sa kaniyang mga kaanak at kaibigan, kabilang sa mga dumalo sina Ken Chan, Lani Mercado, Billy Crawford, Derrick Monasterio, Jonalyn Viray, Imelda Marcos, Jackie Lou Blanco, Gina Alajar, Jake Vargas, at marami pang iba.

Noong Enero 8 pumanaw si Kuya Germs dahil sa cardiac arrest. —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News