Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera to star as Ynang Reyna in Encantadia 2016


Matapos ang ilang buwang pagpapahinga mula sa showbiz upang magampanan ang kaniyang responsibidad bilang ina kay Baby Maria Letizia, magbabalik-telebisyon na ang nag-iisang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Bukod sa kaniyang pagbabalik sa “Sunday Pinasaya” ngayong darating na Linggo, February 21, nakatakda ring gumanap bilang Ynang Reyna ang aktres sa inaabangang remake ng Kapuso fantaserye na “Encantadia” ngayong taon.

Pinangunahan ni Senior Vice President of Entertainment TV ng GMA Network na si Lilybeth Rasonable ang pag-anunsyo ng mga bagong proyekto ng Kapuso actress.

Aniya, “Si Marian, may comeback. At mayroon ding nagco-comeback na show sa GMA after 10 years. We are so honored and very thankful na napaunlakan kami ng ating Primetime Queen na gawin ito. Wala na kaming ma-imagine kung sino ang puwedeng gumawa nito dahil si Marian ang epitome of a diwata.”

Nagpapasalamat naman ang aktres dahil patuloy siyang pinagkakatiwalaan ng Kapuso Network sa pagganap ng mga malalaking role.

Nalulungkot man daw siyang maiiwan si Zia sa tuwing nasa taping siya, masaya siyang magkaroon muli ng pagkakataon na makapagpasaya ng mga manonood at ng kaniyang mga tagahangang matagal nang nag-aabang sa kaniyang pagbabalik.

 

 

Bukod sa “Sunday Pinasaya” at “Encantadia,” magkakaroon din ng sarili niyang talk show ang Kapuso Primetime Queen.

Ayon kay Rasonable, “Nakita niyo naman na madaldal si Mrs. Dantes, kaya may niluluto kaming talk show para sa kaniya. Bagay na bagay sa kaniya bilang isang misis, homemaker, at mother.”

“Marian is a really good host, so it's about time na i-cultivate niya ito at i-share ang kaniyang kaalaman bilang magaling na homemaker,” dagdag pa niya. —JST, GMA News

LOADING CONTENT