Filtered By: Showbiz
Showbiz
SEXY SA MTV

Kim Domingo, may debut song na sa GMA Records


Matapos magpakita ng kaniyang talent sa modeling, acting, at dancing, ngayon naman ay ipamamalas ng Kapuso Pantasya ng Bayan na si Kim Domingo ang kaniyang talent sa pagkanta.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, nagkuwento si Kim tungkol sa kaniyang debut song under GMA Records na pinamagatang "Know Me."

"Sobrang sexy ng music video na 'to. Tapos yung dating niya international,  yung tunog niya, yung lyrics niya," saad ni Kim.

Dagdag pa niya, may hot scenes sila ng lalaking foreigner na kasama niya sa MTV.

Kamakailan lang ay naging viral ang kaniyang video habang gumigiling sa "Trumpets" dance challenge na mayroon nang 1.3 milyon na views.

Ayon kay Kim, twelve years old pa lang siya ay mahilig na siyang umawit sa mga event kaya dream come true raw na mabigyan siya ng pambihirang pagkakataon para ipamalas ang kanyang talento.

Samantala, labis din ang pasasalamat ni Kim sa lahat ng mga sumusuporta at natutuwa sa kanyang role sa primetime series na "Juan Happy Love Story" na hot and sultry kontrabida.

Mas lalo raw nagiging kapana-panabik ang mga eksena nila ng mga bidang sina Dennis Trillo at Heart Evangelista. -- FRJ, GMA News

Tags: kimdomingo