Filtered By: Showbiz
Showbiz

How Solenn got so good at speaking Encantadia language


Kabilang ang Kapuso host-actress na si Solenn Heussaff sa mga unang napanood ng mga Kapuso ngayong linggo sa pagbabalik-telebisyon ng hit fantasy series na “Encantadia.”

Binibigyang-buhay niya ang karakter na si Cassiopea, isa sa pinakamatandang diwata sa Encantadia at siyang unang tagapangalaga ng brilyante bago ito mahati sa apat—ang brilyante ng hangin, tubig, lupa, at apoy.

Maliban sa iba pang karakter sa telefantasya, si Solenn ang madalas naririnig na nagsasalita gamit ang Enchanta o Nchan, ang wikang gamit ng mga taga-Encantadia.

Pag-amin ng Kapuso host-actress sa panayam ng GMA News Online at iba pang miyembro ng press, hindi naging madali ang pag-aaral niya ng mga linyang Nchan.

Aniya, “Mahirap! Sa umpisa na-excite ako, 'Uy wala akong lines dito, puro mata.' Tapos nakita ko 'yung script, sabi ko, 'Direk, kailangan ko bang i-memorize 'to?' Sabi niya, 'Kung kaya mo, gawin mo.'”

“So 'yun, nag-concentrate ako. Ngayon mas napi-feel ko 'yung language ng Nchan. May mga words talaga na may meaning so mas madali ngayon,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, matinding paghahanda pa rin ang ginagawa ni Solenn bago siya sumabak sa shooting.

Kuwento niya, “Pero I still need to sleep on it mga two to three nights. Mahirap kapag on the set, iba 'yung line mo, in Nchan. Hindi ko kaya. Kailangan two to three days." 

Marami namang manonood ang humanga sa pagganap ni Solenn bilang Cassiopea, na tinawag pa nilang “astig” at “fierce.”

Matapos ang halos 11 taon, muling mapapanood araw-araw sa GMA Primetime ang “Encantadia,” sa ilalim ng direksyon ni Mark Reyes.

Bibida sa sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez, at Glaiza de Castro bilang Sang'gre Amihan, Alena, Danaya, at Pirena.

Kasama sa mga magbibigay-buhay sa kuwento sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, at marami pang iba. —JST, GMA News