Filtered By: Showbiz
Showbiz

Paglabas ni Alden Richards bilang si 'Lakan' sa Encantadia, inabangan at pinag-usapan


Inabangan sa telebisyon at pinag-usapan ng netizens ang paglabas ng karakter ni Alden Richards bilang "Mulawin" na si Lakan sa Kapuso primetime series na "Encantadia" nitong Miyerkules.

Sa episode nitong Miyerkules, anyong tao at hindi pa anyong "Mulawin" si Lakan nang mapasabak na kaagad ito sa aksyon.

Tinulungan ni Lakan sa pakikipaglaban si Sang'gre Danaya na ginagampanan ni Sanya Lopez, mula sa grupo ni Berto, na ginagampanan ni Ryan Eigenmann.

Bago pa malaman ni Danaya kung sino ang lalaking tumulong sa kaniya, nawala na si Lakan ay may naiwang balahibo.

Naging top trending topic naman sa Twitter ang #AvisalaLakan.

 

 

Doble naman ang kasiyahan ni Alden dahil naging bahagi siya ng "Encantadia" na malapit sa puso niya, at nakaganap sa karakter ng isa pa niyang paboritong programa na "Mulawin."

Itinuturing ni Alden na dream come true nang alukin siyang lumabas sa "Encantadia," at parang panaginip umano nang isuot niya ang costume bilang Mulawin, na halos ayaw na raw niyang hubarin. -- FRJ, GMA News