Filtered By: Showbiz
Showbiz

Diana Zubiri, ibinahagi ang paghahandang ginawa sa kaniyang pagbabalik sa 'Encantadia'


Inabangan ng mga manonood at naging trending sa Twitter nitong Martes ang pagsisiwalat sa katauhan ng misteryosang diwata na si Lilasari sa Kapuso primetime series na "Encantadia," na ginagampanan ng balik-telebisyo na si Diana Zubiri.

Bukod sa pagbabalik sa telebisyon, nagbabalik din si Diana sa "Encantadia," dahil kabilang siya sa mga naunang grupo ng mga Sang-gre noong 2005 bilang si Danaya, ginagampanan ngayon ni Sanya Lopez.


WATCH: 1-on-1 with Diana Zubiri as Lilasari of... by encantadia2016

Sa kaniyang bagong karakter bilang Lilasari, may kapangyarihan ito na gawing bato ang mga taong makakakita sa kanyang mukha.

Ayon pa kay Diana, puno ng galit at kulang sa pagmamahal si Lilasari, na kabaligtaran ng kaniyang tunay na buhay na masaya at puno ng pagmamahal.

Tungkol sa ginawa niyang paghahanda sa pagbabalik sa telebisyon, sabi ni Diana, "Ang preparation ko more on physical noong una. Siyempre kailangan kong magpapayat, kailangan kong bumalik sa dati kong figure dahil lalabas na naman ako sa TV."

Dagdag pa ng aktres,  "Saka kailangan ko ring maging fit, so nag-try din akong bumalik sa arnis lesson saka sword lesson."

Samantala, sinabi naman ni Sunshine Dizon na lalo pang magiging kapana-panabik ang "Encantadia" dahil sa magiging alyansa ng ginagampanan niyang karakter na si Adhara at ni Lilasari.

Ikinuwento ni Sunshine, isa rin sa mga original Sang-gre sa unang "Encantadia" bilang si Pirena, na ginagampanan ngayon ni Glaiza de Castro, ang pagkakatulad ng karakter nila ni Lilasari na naghangad ng kapangyarihan, nabigo at may kinikimkim na galit.


WATCH: Lilasari and Adhara alliance in... by encantadia2016

Dagdag pa ni Sunshine, dapat abangan kung papaano sila makakarating sa kaharian ng Encantadia at mga iba pang karakter na kanilang makakaharap.

Sabi naman ni Diana, abangan ang paghaharap ng mga bago at dating Sang-gre.

Click here for more 'Encantadia' exclusive videos. -- FRJ, GMA News.