Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mika Dela Cruz is now a Kapuso


Pumirma na ng kontrata sa GMA Network nitong Martes ang teen actress na si Mika Dela Cruz, ang nakababatang kapatid ng Kapuso actress at “Hanggang Makita Kang Muli” star na si Angelika Dela Cruz.

“Panibagong yugto, panibagong experiences, bagong makakasalamuha. Sobrang overwhelmed ako, sobrang happy. Pangarap ko ito,” ayon kay Mika.

 

Mula nang mag-showbiz, isa raw sa mga nagsisilbing tagapayo ni Mika ang kaniyang ate na si Angelika.

“Lagi niyang sinasabi na dapat professional, mabait sa lahat ng tao. Pinapaalala niya ang pakikisama at huwag raw magbabago, maging humble lang. Si ate, ang tagal niya na rin, kaya sa kaniya ako kumukuha ng advice, tips kung paano ang gagawin ko,” ani Mika.

May nakatakda nang proyekto na gagawin si Mika bilang isang Kapuso.

Makakasama siya sa primetime romantic-comedy series na pagbibidahan ng award-winning actress na si Barbie Forteza.

Ayon kay Mika, nasasabik na siyang makatrabaho ang Kapuso actress na kaniya umanong kaibigan.

“Sobrang saya ko kasi nakasama ko na siya noong maliit ako, kakilala ko na siya kaya hindi na ako mangangapa. At saka sobrang bait ni Barbie, kaya for sure, mag-e-enjoy ako sa set. I'm looking forward to working with her,” patuloy ni Mika.

Maliban kay Barbie, nais rin daw ng teen actress na magkaroon ng pagkakataong makilala at makatrabaho ang lahat ng artistang Kapuso.

 

 

Ayon kay GMA SVP for Entertainment TV Lilybeth G. Rasonable, mabibigyan din ng pagkakataon si Mika upang ipamalas ang iba pa niyang talento.

Nais rin daw ng Kapuso Network na magkasama sina Mika at Angelika sa isang project.

“Napakagaling na artista ni Mika, nasa dugo ang galing niya. Kaya naman makakaasa ang ating audience na marami pa siyang gagawing drama, o comedy. At kumakanta rin siya. We'll definitely show her different talents as we go along,” ayon kay Ms. Lilybeth.

Kabilang sa mga pangarap ng bagong Kapuso actress ang bumida rin sa isang action film at magkaroon ng sariling album.

Ayon kay Mika, “Excited ako and curious kung saan papunta ang career ko, kung anong roles ang magagampanan ko, anong klaseng tao ang makakasalamuha ko. Looking forward to everything.” -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT