Filtered By: Showbiz
Showbiz
SABAY NA MAPAPANOOD SA 60 BANSA

'Destined To Be Yours' nina Alden at Maine, simula na sa February 27


Mapapanood na simula sa February 27 ang kauna-unahang primetime series nina Alden Richards at Maine Mendoza na "Destined To Be Yours." Ang naturang pag-ere ng inaabangang serye, may worldwide simulcast sa 60 bansa.

 

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mula sa kalyeserye ng "Eat Bulaga," unti-unting nagkaroon ng katuparan ang pangarap ng fans na magkaroon ng serye sa telebisyon ng AlDub love team matapos ang paglabas nila sa pelikulang "My Bebe Love," na pinagbidahan nina Vic Sotto at AiAi delas Alas noong December 2015.

Ang naturang pelikula ay nasundan ng kanilang first staring role sa "Imagine You and Me" movie na ipinalabas noong July 2016.

At noong October 2016, naging top secret umano ang meeting nina Alden, Maine at piling production staff para pag-usapan ang kauna-unahang teleserye ng phenomenal love team.

Nang magka-ideya na sa kani-kanilang mga gagampanang roles, lalo umanong na-excite sina Alden at Maine.

Bago magpasko nung 2016, unti-unti nang lumabas ang secret project ng dalawa nang ipakilala ang cast ng proyekto na kabibilangan nina Gardo Versoza at Janice de Belen.

Marami rin ang nagulat nang kunan ang ilang eksena nina Alden at Maine sa isang MRT station nitong pagpasok ng 2017.

Hindi pa rin daw makapaniwala si Maine na natupad na ang pangarap niya na maging bida ng isang serye.

Si Alden, idinaan sa isang biro kung gaano kakilig ang ginagawa nilang serye na sa simula ay may kissing scene daw agad.

Kaya markahan na sa kalendaryo ang Pebrero 27 para sama-samang tutukan ang "Destined To Be Yours."-- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT