'D' Originals,' seryeng ipakikita ang mga modus ng mga nangangaliwang asawa
Nakatakdang mapanood sa GMA Afternoon Prime ang “D' Originals,” ang comedy-drama series na binuo ng GMA News and Public Affairs, na magpapakita ng modus ng pangangaliwa ng mga asawa.
Kakaibang kuwento ng mga mag-asawa at kabit ang ilalahad sa programa, ayon sa direktor nitong si Adolf Alix, Jr., kung saan makikita umano kung papaano nangangaliwa ang mga mister at paano sila mabubuking.
Layon daw ng mga bumubuo ng "D' Originals" na maging isang uri ng women empowerment ang bagong teleserye, lalo na't hango sa tunay na buhay ang iba't ibang kuwento ng pangangaliwa na mapapanood dito.
Bukod sa hugot lines mula sa mga tinaguriang “kabit busters,” may matatalinong hugot rin daw sa “D' Originals” upang matulungan ang mga misis na maging mas matalino.
"Originals" will tackle the lives of wives, husbands, and mistresses: "Ang modus ng mga kaliwete at kung paano sila mabubuking." @gmanews pic.twitter.com/y2T14WXfMs
— Bianca Rose Dabu (@biancadabu) February 16, 2017
Kabilang sa mga gaganap bilang “original wives” sina Jaclyn Jose, LJ Reyes, at Kim Domingo, habang bibigyang-buhay naman nina Katrina Halili, Natalie Hart, at Lovely Abella ang mga kaiinisang kabit.
Gaganap naman bilang mga mister na “kaliwete” sina Jestoni Alarcon, Mark Herras, at Archie Alemania.
Ayon kay Jaclyn, “Experimental—dramedy sa hapon. Tungkol ito sa mga kababaihan na may asawa, at ang mga asawa nila ay may other women. Light ito at situational, 'yung mga nangyayari talaga sa totoong buhay.”
“Very different ang treatment nila... We're very excited kasi hindi siya basta-basta soap, based on reality talaga siya. May studies rin silang ginawa. May na-interview silang mga totoong tao. Based on experiences talaga,” pahayag naman ni LJ.
Bibigyang-buhay ni Jaclyn si Josie, ang asawa ni Lando (Jestoni) na labis na ikagugulat ang pangangaliwa ng mister matapos ang 25 taon nilang pagsasama.
Si LJ naman ang gaganap bilang Marge, ang “raketerang” asawa ni Caloy (Mark) na malalamang kalaguyo ng kaniyang mister ang kaniyang half-sister.
Ibang kuwento rin ang bibigyang-buhay ni Kim bilang Sofia, isang confident wife na pinalalampas lamang ang pambababae ng kaniyang asawang si Art (Archie) hanggang sa ma-threaten siya nang maging kalaguyo ng mister ang isang sexy at magandang babaeng katulad niya.
Directed by Adolf Alix, Jr., "Originals" will take inspiration from true-to-life stories of wives, husbands, and mistresses @gmanews pic.twitter.com/EU4GeWjkca
— Bianca Rose Dabu (@biancadabu) February 16, 2017
Kabilang ang “D' Originals” sa mga pinakabagong programang handog ng GMA Network ngayong 2017.
Abangan ang kakaibang teleserye sa GMA Afternoon Prime! -- FRJ, GMA News