Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sunshine Dizon on being a good single mom: I have a good support group


Marami ang humahanga sa Kapuso actress at "Ika-6 Na Utos" star na si Sunshine Dizon dahil kilala siyang dedicated single mother, bukod sa pagiging magaling na aktres.

Ayon sa aktres, malaki ang pasasalamat niya sa lahat ng mga tumutulong sa kaniya upang maging isang mabuting ina.

"I have a very good support group. My mom is at home. Siya ang nag-o-oversee ng house and the children while I'm at work," pahayag ni Sunshine nang makapanayam sa Facebook Live video nitong Martes.

"Salamat sa aking mga kalahi, sa mga Dizon, we are strong women. And thank you also to my mother who has been such an inspiration to me. I owe it to them," dagdag pa niya.

 

Matatandaang naghiwalay ang aktres at ang kaniyang asawang si Timothy Tan noong nakaraang taon. Ngunit sa kabila ng nangyari, nais pa rin ng mag-asawa na naging mabuting mga magulang sila sa kanilang dalawang anak.

Sa katunayan, isinasantabi na nga raw nila ang kanilang hidwaan para sa kapakanan ng kanilang mga anak.

"Medyo mahirap i-explain, but my ex-husband and I has come to a point wherein we have decided to be civil with each other. I allow him to take the kids to school everyday. Kumbaga, mas open kami, na parang I still want my children to have a relationship with their father. Kung may school events, nandoon kami for our children. But beyond that, hindi na ako nagtatanong, hindi na kami nag-uusap. Basta para na lang sa mga bata," kuwento ng aktres.

"It's hard for other people to understand that, pero siguro as a parent, we should look past all the hurt that we're feeling, and we have to think of our children's welfare," paliwanag pa niya.

Pagtatapos ng Kapuso actress, "Sa aking pananaw, mas makabubuti sa mga anak ko na may presence pa rin ang tatay nila."

 

Bida ngayon si Sunshine sa GMA Afternoon Prime series na "Ika-6 Na Utos," kung saan gumaganap siya bilang Emma, isang maybahay na pinagtaksilan ng asawa.

Kasama niyang nagbibigay-buhay sa kuwento sina Gabby Concepcion, Ryza Cenon, Mike Tan, Marco Alcaraz, Rich Asuncion, Daria Ramirez, Carmen Soriano, Mel Martinez, at Arianne Bautista.

Mapapanood ang “Ika-Anim Na Utos” araw-araw sa GMA Afternoon Prime pagkatapos ng “Eat Bulaga!" -- FRJ, GMA News