Filtered By: Showbiz
Showbiz

AiAi Delas Alas, Megan Young star in Mother's Day film 'Our Mighty Yaya'


Matapos magpaiyak bilang bida sa independent drama movie na “Area,” balik sa pagpapatawa pero may kurot pa rin sa pusong pelikula ang Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas na “Our Mighty Yaya,” ang Mother's Day offering ng Regal Films ngayong 2017.

Bibigyang-buhay ni AiAi si Virgie, ang binansagang “wonder tagapag-alaga, super kasambahay, mega katulong, at super hero,” na makikipagsapalaran sa Maynila upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya sa probinsya.

Bukod sa mga nakatatawang eksena, makapupulot din ang mga manonood ng mga makabuluhang aral pang-pamilya sa pelikula.

“Kahit sino, puwedeng maging nanay, basta mabigyan ng pagkakataong mahalin yung mga bata,” ang isa sa mga linyang sasambitin ni AiAi bilang Yaya Virgie.

Kasama ni AiAi na bibida sa “Our Mighty Yaya” sina Zoren Legaspi, Megan Young, Lucas Magallano, Alyson McBride, Sofia Andres, at marami pang iba.

Mapapanood na ang Mother's Day offering ng Regal Films sa mga sinehan sa darating na May 10. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT