Muling nasilayan ng publiko ang veteran actress na si Amalia Fuentes dalawang taon mula nang pumanaw ang anak na si Liezel Martinez.

Sa Starbites report ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing naka-wheelchair  si Amalia nang dumalo sa 75th  birthday ng kaniyang kapatid na si Alexander Muhlach.


 

Gayunman, hindi umano nagpaunlak ng panayam ang aktres, na binansagang Elizabeth Taylor ng Pilipinas.

Ito ang unang public appearance ni Amalia mula nang pumanaw ang kaniyang anak na si Liezel noong 2015 dahil sa sakit na cancer.

Nitong nakaraang Mayo, ginawaran ng Dangal ng Pasado Lifetime Achievement Award ng Gawad Pasado si Amalia dahil sa kaniyang mga naimbag sa Philippine showbiz.

Hindi nakadalo sa naturang awarding ceremony si Amalia, at ang kaniyang apo na si Alfonso Martinez, anak ni Liezel, ang tumanggap ng parangal para sa kaniyang lola.

Nauna ring kinumpirma ni Alfonzo na nagka-stroke ang kaniyang lola Amalia na dahilan kaya nahihirapan kumilos noon ang aktres. -- FRJ, GMA News