Limang buwang makaraang aminin ni Ellen Adarna na "hindi na sila" ni Baste Duterte, muling nagkasama ang dalawa sa isang bar sa Cebu City nitong Sabado.

Sa isang video na ini-upload sa Facebook ng account name na @riomusiccebu, makikitang masayang nanonood si Baste habang kinakanta ni Ellen ang isang Cebuanong awitin.

May tema ang awitin ni Ellen tungkol sa pagsuko sa pag-ibig at hindi na ipipilit ang sarili.

Habang kumakanta, itinuturo pa niya si Baste na nasa kaniyang harapan.

Matatandaan na nitong Enero, inamin ni Ellen na nakipag-break sa kaniya si Baste sa pamamagitan ng text message.

Basahin: Ellen Adarna says Baste Duterte broke up with her via text

Naging laman ng balita ang relasyon ng dalawa dahil ilang beses ding nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talumpati ang anak na si Baste dahil sa hindi na nito pag-uwi umano sa bahay.

Basahin: Duterte takes swipe at Baste: Hindi umuuwi ng bahay, sige lang doon kay Adarna

Nakiusap din noon si Ellen na huwag sanang gawing national issue ang kanilang relasyon ni Baste.

Matapos kumanta si Ellen, makikita sa video sa FB na nilapitan ni Baste ang dating nobya, niyakap at saka hinagkan sa labi.

Nagsigawan naman ang mga tao sa loob ng naturang club.

Wala pang pahayag ang dalawa tungkol sa naturang pagkikita. -- FRJ, GMA News