Naiplano na raw ng Kapuso actor na si Rafael Rosell na balikan ang kaniyang surfing at pagbisita sa pamilya sa Europe sa Pasko pero hindi muna ito mangyayari dahil extended ang hit GMA Afternoon Prime soap na "Impostora," na pinagbibidahan nila ni Kris Bernal.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, naniniwala si Rafael na nagugustuhan ng mga manonood ang serye kaya nananatili itong mataas sa ratings, na dahilan kaya nagpasya ang network na i-extend ang "Impostora."

At dahil kakailanganin nilang muling mag-taping, malamang na magkaroon umano ng conflict sa schedule ang mga nakaplano na niyang bakasyon.

"I terribly miss surfing, sobra. I miss the beach, I miss stepping my feet into the sand pero work muna talaga," saad ng binata.

Kasama ring mababago ang plano niyang magtungo sa Europe para makapiling ang kaniyang pamilya sa Pasko.

"'Yung family ko naman sobrang understanding sila kung may trabaho ako. Kaya naman naming i-celebrate ang Christmas sa ibang date kahit hindi Christmas mismo basta, magkasama lang ang buong pamilya," ayon pa kay Rafael.

Inihayag din ni Rafael na maski silang cast ay hindi pa alam kung ano ang mangyayari sa kani-kanilang karakter kaya excited din sila sa itatakbo ng istorya.

Ginagampanan ni Rafael ang karakter ni Homer, at ginampanan naman ni Kris Bernal ang dual character na sina Nimfa at Rosette.

Sa ngayon, nagbabait-baitan ang salbaheng si Rosette.

"Pipiliin niya ba 'yung dati niyang kasintahan na kailangan niyang pagtiyagaan o pipiliin ba niya 'yung bagong nanay para sa mga bata which is better dahil mas maganda ba yung trato niya, o pipiliin ba niyang mag-isa na lang?" saad ni Rafael kasabay ng pag-anyaya na tutukan ang kanilang afternoon series. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News