Sa pangunguna ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, full force na ipinakilala ang cast ng upcoming telefantasya ng GMA na "Super Ma'am," na alay para sa mga guro.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News TV  "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing bukod kay Marian, kasama sa serye ang bagong Kapuso heartthrob na si Matthias Rhodes,  komedyanteng si Jerald Napoles, Kapuso sexy actress Kim Domingo, Miss Jackie Lou Blanco, Kristoffer Martin, Joyce Ching, Jillian ward, Meg imperial at iba pa.

Sa naturang serye, gagampanan ni Marian ang role ng isang mabuting guro na si Minerva, na magkakaroon ng pambihirang kapangyarihan para lubanan ang mga kriminal.

Sinabi ni Marian na bukod sa mga stunts at fight scenes, dapat ding abangan ang magandang mensaheng ibibigay ang programa.

"Ito siguro 'yung isa sa mga paraan para mamulat ang mga mata nila na ang mga teacher kailangan nirerespeto, pinakikinggan natin at tinuturing nating pangalawang magulang," anang aktres.

Dagdag ng aktres,  saludo siya sa mga tunay na 'Super Ma'am' na nagtitiyagang gumabay sa mga estudyante, dahil minsan na rin niyang pinangarap na maging isang teacher.

"Ino-offer namin [ang show] sa mga teacher na dedicated sa trabaho at walang sawang mahalin at turuan ang mga estudyante nila," ayon sa Kapuso star.

Makakasama rin ni Marian sa "Super Ma'am" ang kaniyang ninang at premyadong aktres na si Helen Gamboa.

"It's a nice teleserye for everybody. My role as Lolita is really something different from before na nilalabasan kong mga role," sabi ng batikang aktres. -- FRJ, GMA News