Bukod sa mataas na ratings na natatanggap ng GMA Afternoon Prime series na "Haplos," lagi raw masaya sa taping ng show dahil sa nabuong barkadahan ng cast na sina Sanya Lopez, Rocco Nacino, Thea Tolentino at Pancho Magno.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing malaki ang pasasalamat ni Sanya, at nangako siyang lalo pang gaganda ang istorya ng karakter niyang si Angela at ang pang-aagaw ng karakter ni Thea na si Lucille sa pag-ibig niya kay Gerald, na ginagampanan ni Rocco.

"Lagi na lang ginugulo ni Lucille ang buhay ni Angela. This time ba lalaban na ba si Angela para kay Gerald, at lalabanan na ba niya si Lucille? Malapit na, powers against powers," natatawang sabi ni Sanya.

Bukod pa dito, masayang barkadahan na daw ang nabuo kina Sanya, Thea, Rocco at Pancho sa likod ng kamera.

"Magkakabarkada na, pamilya na kami. Kung may problema ang isa, nandiyan kami para suportahan 'yung isa."

Nilinaw naman ni Sanya ang estado ng relasyon nila ngayon ni Rocco.

"Nandu'n na kami sa stage na 'yon, na nagsasabihan na kami ng mga sikreto-sikreto namin, problema namin. Kumbaga, wala na kaming inililihim sa isa't isa," saad ng dalaga.

Excited din si Sanya sa ipapalabas na ang unang pelikulang pagbibidahan niya, ang "Amalanhig: The Vampire Chronicle."

Ayon kay Sanya, hindi raw biro ang hirap na ginawa niya sa pelikula kasama ang leading man na si Jerico Ejercito.

"Meron pa kaming eksena na ang lalim nu'ng ilog na mahuhulugan namin. Medyo delikado po 'yun pero I trust him, si Jerico, sobrang supportive naman niya sa akin." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News