Naantig at humanga ang netizens nang lumabas ang larawan ni mang Rudy habang kasama ang dalawang-taong-gulang na anak sa kaniyang pamamasada ng tricycle. Sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ni mang Rudy kung bakit hindi niya maiwan sa bahay ang anak matapos silang iwan ng kaniyang asawa nang may nakilalang iba sa social media.

Tuwing umaga, ilang kilometro muna ang kailangang lakarin ni mang Ruby patungo sa lugar na kinaroroonan ng tricyle na kaniyang ilalabas. Dahil hindi sa kaniya ang tricycle, kailangan niyang magbayad ng "boundary" kaya hindi niya solo ang kinikita sa pamamasada.

Upang hindi malaglag ang anak habang namamasada, inilalagay niya ang bata sa lumang baby carrier at itinatali pa ito bilang dagdag proteksyon.

Nakatali rin ang lumang feeding bottle ng baby para hindi mahulog at madali niyang makuha kung kailangan nang "dumede" ang anak para makatulog.

Kahit mainit sa kalye, walang magawa si mang Rudy kung hindi isama ang anak sa pamamasada dahil wala siyang mapag-iiwanan sa bata dahil hiniwalayan na siya ng kaniyang asawa.

Pero sa harap ng pagsubok na hinaharap nilang mag-ama sa pasada ng buhay, kaunting biyaya ang darating sa kanila. Kung ano ito, panoorin ang ginawang pagtutok ng "KMJS":


Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- FRJ, GMA News