Dahil sa pagmamahal sa pinagbibidahang seryeng "My Korean Jagiya," napapayag si Heart Evangelista na mag-swimsuit sa eksenang swimming pool showdown nila ng co-star na si Valeen Montenegro.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, aminado ang Kapuso actress na hindi siya sanay na magpa-sexy o daring sa TV.

"Dahil sobrang mahal ko yung show and sobrang gaan lahat ng katrabaho ko, I wanted to give them 100% all of me," ani Heart.

Natutuwa si Heart sa suportang ibinibigay ng fans sa kanila ng kaniyang leading man na si K-Pop star Alexander Lee.

"Marami akong mga nakikilala sa Twitter. May mga solid fans ako pero marami ring mga bago na ngayon ko lang nakikilala," aniya.

Kaabang-abang daw ang mga kilig scenes nina Gia at Jun Ho, dahil nagsisibalikan na ang kani-kanilang mga ex.

"Paumpisa pa lang ang love story natin, kung alam lang nila ano ang mga mangyayari, anong mga plano, sasabog na talaga 'yung puso nila, hindi nila kakayaning kumalma," kuwento ni Heart.

Samantala, pinaunlakan naman ni Heart ang pagiging judge ng annual Kapuso Art Gap contest, at kasama niyang naging hurado ang mga pintor na sina Attorney Bienvenido Benitez at Sam Penaso.

"Maraming magagaling na artists ang GMA, hindi lang sa radyo at telebisyon, pati sa sining at mga artwork," ayon kay Benitez.

"Magagaling kasi kaniya-kanya sila ng style," sabi naman ni Penaso.

May temang "peace and giving," ipi-print bilang mga Christmas cards ang limang mananalo at mapupunta ang proceeds sa GMA Kapuso Foundation. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News