Kabilang sa cast ng pelikulang "Spirit of the Glass 2: The Haunted," ang mga Kapuso star na sina  Benjamin Alves, Ash Ortega at Janine Gutierrez. Naniniwala kaya sila sa munto?

Ayon sa direktor na si Joey Javier Reyes, kakaibang katatakutan daw ang aabangan sa "Spirit of the Glass 2: The Haunted" na ipapalabas sa Nobyembre 1.

Tungkol ito sa isang artista noong 1960s na nagkaroon ng malungkot na buhay at hindi misteryo ang dahilan ng pagkamatay.

Sinabi ni direk Joey sa ginanap na press conference nitong Huwebes, iba raw ito sa mga naipalabas nang pelikulang horror; "For one thing this involves millennials so may update na... 13 years ago yung first 'Spirit of the Glass.' This is more of mixing souls with technology because iba yung quality ng haunting dito. It's new because we contemporized the use of new media and how that can also be, 'yung cause ng mga pagmumulto," sinabi ng direktor sa "Spirit of the Glass 2: The Haunted."

Kasama rin sina Cristine Reyes, Daniel Matsunaga, Enrico Cuenca at Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina.

Sinabi ni direk Joey na ginagawa nilang totohanan ang pananakot sa mga artista.

"Kasi yung mga eksena na practical, ibig sabihin mga nagliliparan na mga kung anu-ano sa paligid nila. Hindi ko sila tinatawag para makita 'yung ginagawang preparasyon. They only experience it when I say, 'Action' and ang nangyayari," saad ng direktor.

"Nakakatawa sila, dahil nagugulat sila talaga. Hindi nila alam na kung minsan, yung biglang sa tabi nila, may nanghahagis. It's really funny so madali silang ma-motivate dahil talaga silang tinatakot at ginugulat," patuloy niya.

Pagkumpirma naman ni Benjamin, totoong haunted house ang ginamit nila para sa pelikula.

"Actually yung set po natin, direk 'di ba? It's a haunted house rin. So hindi po namin alam, may kasama po kami na hindi pala kasama sa production. Definitely, meron pong multo," anang aktor.

Dagdag pa ni direk Joey, may mga karanasan sila sa shooting na nasisira ang mga kagamitan sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari.

"Mararamdaman mo naman. Like one time we were shooting in a room na sumasakit yung tiyan ko, para akong sinisikmura. Mararamdaman mo sa hangin eh, mararamdaman mo 'pag mabigat yung hangin na there is another presence in that room. Nagkataon na sabi ko, 'Bakit every time we shoot in this room, unang-una, merong nasisira, video assist laging nasisira, laging hindi gumagana yung isang camera?' Then sabi nila you have to pray, you have to ask permission. Na-o-okay naman," kuwento ng drektor.

Natuklasan daw nila kinalaunan na ang naturang kuwarto at kama na ginagamit nila shooting ay gamit ng isang lola na pumanaw dahil sa sakit na stomach cancer.

Sabi naman ni Ashley, " I do believe in lost souls, yung mga hndi natatahimik na kaluluwa. Wala pa akong experience na nakakita ng multo. Pero sa mga location namin like yung haunted house, totoo nga, parang ang bigat ng feeling kasi yung house sobrang tagal na, halatang old na siya."

Inihayag naman ni Janine na naniniwala siya sa multo.

"Talagang naniniwala po ako sa multo at matatakutin po ako. Wala pa po akong experience personally pero kuwento lang po ng mommy ko, ng mga kamag-anak ko. Si Direk Joey po mismo, nung nagsu-shooting kami, nananakot siya kasi nakakakita po siya eh, so, ako po naniniwala po talaga ako," saad ng aktres. -- FRJ, GMA News