Sa pagdiriwang ng ika-10 na kaarawan ng anak niyang si Calix Andreas nitong Setyembre, masayang ikinuwento ni Kapuso Drama King na si Dennis Trillo na mas naging close silang mag-ama, at marami ring namana sa kaniya ang bata.

"Okay na okay," sagot ni Dennis nang kamustahin sa relasyon nila ni Calix sa press conference ng GMA soap "The One That Got Away" sa Quezon City nitong Miyerkules.

Napansin daw ni Dennis na "matured" nang mag-isip ang kaniyang anak.

"Sobrang close na kasi, yun na nga, para na rin siyang matanda mag-isip, very advanced, tsaka matalino siya na bata. Sobrang swerte ko na ganu'n siya," anang aktor.

"Feeling ko ang bilis lang talaga ng takbo ng panahon. In three years, teenager na siya. Pupunta na siya du'n sa ibang level pero masaya ako na okay kami," dagdag niya.

Anak ni Dennis si Calix sa dati niyang girfriend na si Carlene Aguilar.

Kwento ni Dennis, namana raw ng kanyang anak ang kaniyang mga hilig, at gusto ring mag-artista. Ngunit pinapayuhan daw ni Dennis ang anak na pahalagahan ang pag-aaral.

"Ugali niya nakuha niya lahat sa akin, pati mga hilig niya, musically inclined siya. Sabi niya gusto rin niyang mag-artista paglaki niya pero sabi ko, 'Kailangan mo munang tapusin studies mo. After nu'n pwede mong gawin kahit na anong gusto mo,'" kuwento ni Dennis.

Nasasanay na raw si Dennis sa pagiging tatay.

"Sa ngayon, 10 years na akong tatay so medyo nasanay na ako sa mga kailangang gawin at sa mga hindi kailangang gawin sa pagpapalaki ng isang bata. Although marami pa akong kailangan ding matutunan, pero sanay na ako sa relasyon," ayon sa aktor.

Humihingi pa rin daw siya ng payo sa kaniyang ama pagdating sa pagiging magulang.

"Siyempre mga magulang ko, mas lalo na yung daddy ko. Open naman sila sa pag-share ng mga bagay na kung saan ako mas makakakuha ng mga mas matututo pa ako," saad pa niya.

Dahil sa pagkakaroon ng anak, natuto raw si Dennis na mas maging responsable.

"Siguro yung pagkakaroon mo ng isang dependent, yung isang nagde-depend sa 'yo. Importante na maging magandang role model ka sa kanya. Importante na magkaroon ka ng mga priorities para mapalaki mo nang maayos yung bata," paliwanag ni Dennis.

Hindi rin daw nakalilimot ang anak na payuhan ang kaniyang anak na maging mabuti sa kapwa.

"Ako, yung golden rule lang na, 'Huwag mong gawin sa iba kung ano 'yung ayaw mong gawin sa 'yo.' 'Yon yung pinakalagi kong sinasabi sa kaniya, na kailangan ma-remember ka ng mga tao dahil sa good deeds na ginagawa mo, hindi du'n sa mga bad things na ginagawa mo," ayon sa aktor.

Nang tanungin kung close rin ba ang kaniyang anak sa kasintahan niya ngayon na si Jennylyn Mercado, sabi ni Dennis, "Oo naman, close na rin sila." -- FRJ, GMA News