Ipinaliwanag ng 'Hulk' actor na si Mark Ruffalo ang ginawa niyang pag-live stream ng premiere ng pelikulang "Thor: Ragnarok" noong Oktubre 9 kay Kapuso host Lyn Ching.

Kasama ni Mark na dumalo ang kapwa Hollywood stars na sina Cate Blanchett at Chris Hemsworth sa El Capitan theatre sa Los Angeles, kung saan naging excited din ang audience.

 

 

Gusto sanang kunan ni Mark ang reaksyon ng audience para makita rin ng mga Marvel fans kung ano ang nangyayari sa theatre, ngunit sa paglabas ng pelikula, nakalimutan niyang patayin ang kanyang Instagram live stream.

Naramdaman ni Mark na may mga nagte-text sa kanya mula sa kanyang bulsa, hanggang sa namalayan niya ang hindi sinasadyang pagkakamali.

"My phone was blowing up with texts, and I was like, 'I can't look at my phone in the middle of this movie and so someone from Marvel came and poked me. He said 'Your phone was on! Turn it off!' I was like 'Oh no... so embarrassing," paliwanag ni Mark sa panayam ni Lyn.

Dahil sa kanyang live stream ay nagkaroon tuloy ng pagkakataon ang mga Marvel fans na marinig ang unang 15 minutes ng pelikula.

Abangan ang full interview kay Mark sa Unang Hirit at 24 Oras Lunes at Martes sa susunod na linggo.

 

 

Ang 'Thor: Ragnarok' ay ipapalabas sa Pilipinas sa Oktubre 25, 2017. —Jamil Santos/JST, GMA News