Inamin ni Ultimate Star Jennylyn Mercado na isa raw sa mga "lowest point" ng kaniyang buhay ay nang siya'y mabuntis, ngunit nanatili siyang positibo matapos niyang napagtagumpayan ang mga pagsubok.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Sabado, sinabing isa ito sa mga tinalakay ni Jennylyn nang magbigay siya ng inspirational talk tungkol sa kaniyang buhay.

Tanda raw ng pasasalamat dahil sa mga natatanggap niyang biyaya ang kaniyang inspirational talk, kung saan ibinahagi niya ang mga natutunan niya sa mga napagdaanan mula nang magsimula bilang isang TV commercial model hanggang sa manalo sa StarStruck.

Pag-aamin ni Jennylyn, akala raw niya ay katapusan na ng kaniyang career nang siya'y mabuntis.

Ngunit isa lamang pala itong pinto para sa mas marami pang oportunidad at makagawa pa siya ng maraming serye at pelikula.

"'Yung mga experience na 'yun, du'n ka matututo eh. Du'n mo matatandaan na importante pala na napagdaanan ko rin siya. Kung hindi, siguro hindi ko alam 'yung gagawin ko ngayon," sabi ni Jen.

Ang sikreto raw ni Jennylyn, "Hindi talaga nawawala sa akin 'yung pagiging optimistic."

Dumalo sa event ang mga baguhang artista ng Kapuso network tulad nina Gil Cuerva, ang leading man niya sa My Love From The Star, at Migo Adecer, kapwa niya StarStruck alumnus.

"She is I think the perfect example of the proper work ethic you should have," sabi ni Gil.

"It just reminds everybody na lahat tayo, human talaga, no matter what status, no matter what position," sabi naman ni Migo.

First time raw ni Jennylyn na magbigay ng inspirational talk.

Nagpasalamat si Jen sa pagkakataong maging inspirasyon sa mga nagsisimula pa lang sa industriya ng showbiz. — Jamil Santos/MDM, GMA News