Hindi napigilan ni AiAi delas Alas na maging emosyonal at maiyak sa sorpresang inihanda ng mga kasamahan sa "Sunday Pinasaya." Pero bago nito, natakot muna siya sa pag-aakalang nag-aaway ang kaniyang mga kaibigan.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, nagulat si AiAi nang dumating siya sa rehearsal ng programa at inabutang nagtatalo sina Lovely Abella at Pekto.

Noong una, akala raw niya ay biruan lang ang lahat at sinabihan pa niya si Lovely na sabunutan si Pekto na sinunod naman ng una.

Pero nag-alala na raw si AiAi nang makita niyang parehong galit na sina Lovely at Pekto, at pumasok na rin sa eksena na galit at sumigaw ang isa sa kanilang mga boss sa programa.

Galit inutusan umano ng boss ang mga artista na pumunta sa dressing room at doon na nagulat si AiAi sa inihandang birthday surprise para sa kaniya.

"Gulat na gulat tapos naiyak ako. Ang happy-happy ko kasi parang love na love nila ko. Ito 'yung show na talagang mahal na mahal ko," anang concert-comedy queen.

Napag-alaman na ang kasamahang si Valeen Montenegro ang nagplano ng sorpresa para kay AiAi. -- FRJ, GMA News