Stable na ngayon ang kondisyon at under observation ang Pinoy Rock legend na si Joey "Pepe" Smith matapos siyang ma-stroke nitong Martes ng gabi.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras," sinabing kasalukuyang nasa Metro Antipolo Hospital ang rock singer upang magpalakas.

Kuwento ng manager na si Mark de Leon, pauwi sana sila sa Antipolo 11 p.m. nang atakihin ang rock icon.

"Nu'ng medyo malapit na kami sa subdivision, panay ang tapik niya dito sa balikat ko. Akala ko nagtatawanan lang kasi kami, akala ko talaga natutuwa lang siya. Paglingon ko nakabagsak na 'yung jaw niya tapos nagdu-drool na siya, diniretso ko na siya dito [sa ospital]."

Hirap daw ngayon sa pananalita si Pepe, pero masayahin pa rin at positibo ang kaniyang disposisyon.

"Rock and roll ng rock and roll du'n sa loob. Kinukwentuhan ang mga nurse. Kung bibigyan mo nga ng gitara, maggigitira sa loob," sabi pa ni de Leon.

Pangatlong stroke na ito ni Pepe sa loob ng limang taon, kaya nag-alala ang kaniyang mga anak.

Nasa ospital sina Queenie at Beebop Smith upang alalayan ang ama.

Bawal muna kay Pepe ang anumang makakapagbigay stress, at pinapaiwas din siyang uminom ng alak at manigarilyo.

Pero kay Queenie, malinaw daw na tuloy lang ang buhay ng kaniyang ama.

"Huwag kayong mag-alala, makikita niyo pa siya na tumutugtog at tuloy na tuloy pa rin ang buhay ng Philippine Rock and Roll. For now kailangan po namin ng prayers niyo para sa kaniyang full at speedy recovery," sabi ni Queenie.

Nakatakda sanang mag-concert si Pepe sa Sabado, Nobyembre 18, para sa  kauna-unahang annual Pepe Smith Rockfest, pero napag-usapan ng management at concert producer na ilipat ang rockfest sa ibang petsa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News