Sa unang pagkakataon, magkakatrabaho sa isang afternoon series ang real life couple na sina Mikael Daez at Megan Young. May plano na kaya silang lumagay sa tahimik sa 2018?

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA New "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sa mahigit anim na taon nilang in a relationship, ngayon pa lang magkakatrabaho ang dalawa kaya excited sila sa naturang proyekto na mapapanood sa afternoon prime ng GMA.

"Dati ko pang sinabi sa kaniya nu'ng lumipat siya sa GMA na sobrang excited ako na makatrabaho siya," ayon kay Mikael.

"Ako din super excited akong maka-work si Mikael," sabi ni Megan."Excited ako kasi siyempre 'yung samahan namin, outside of the work area so hindi ko pa siya nakakasama sa work. Gusto kong malaman kung paano siya sa work area niya."

Makakasama nila sa afternoon prime series ang batikang aktres na si Katrina Halili.

Excited din sina Megan at Mikael sa magiging role nila sa serye.

"University student siya, madiskarte sa buhay, tapos ang ikatuwa ko pa, 'yung fact na sa parlor siya nagwo-work. That's something I really look forward to," ayon kay Megan.

Dahil magsisimula na silang mag-taping, hindi pa raw sila nakakapagplano para sa darating na Pasko.

Nang tanungin naman ang dalawa kung tutunog na ba ang kampana ng simbahan sa kanilang kasal sa 2018, natatawang sabi na wala pa.

"It's not just in our plans yet," sabi ni Megan, na nagpahayag din na doon naman patungo ang kanilang relasyon. -- FRJ, GMA News