Bago sumabak sa bago niyang proyekto sa GMA na "Sirkus," kakatawanin muna ng "Starstruck" Season 6 Ultimate Female Survivor na si Klea Pineda ang Pilipinas sa Asian Supermodel Contest sa Saipan.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagpakita ng ilang stunts si Klea nang gawin ang practice session para gagampanan niyang role sa "Sirkus" bilang si Sefira.

Sumabak na rin sa look test ang iba pa niyang kasama sa programa na sina Sef Cadayona, Chariz Solomon at Gardo Versoza, na gaganap din bilang performer sa sirkus.

Nag-script reading na rin sila kasama sina Cheriel Gil, Zoren Legaspi, Angelu de Leon, at ang gaganap na bidang kambal na may kakaibang kakayahan na sina Mikoy Morales at Mikee Quintos.

Pero bago ang matinding pagsabak sa "Sirkus,"  umalis muna ng bansa si Klea para katawanin ang bansa sa Asian Supermodel contest sa Saipan.

Sa isang Instagram post, makikita si Klea na naka-bikini kasama ang ilang co-candidates sa naturang international modelling competition.

Sumabak din sila sa ilang photoshoots kasama ang iba pang contestants mula sa Japan, Russia, Korea, Australia at Malaysia.

Bago umalis, humingi pa ng ilang tips si Klea kay Miss Universe 2013 third runner-up Ariella Arida.

Sa Sabado ang finals night kung saan 27 models mula sa 14 na bansa ang maglalaban-laban para sa titulong Asian Supermodel. -- FRJ, GMA News