Aminado si Kapuso star Marian Rivera na magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman niya sa nalalapit na pagtatapos ng "Super Ma'am."

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing mami-miss daw ni Marian ang nabuong samahan nila sa set lalo na't last two weeks na lang ang taping nila sa serye.

Gayunman, masaya na rin daw siya dahil magkakaroon siya ng mas maraming oras para sa kaniyang mag-ama na sina Dingdong Dantes at baby Zia.

"Finally magkakaroon na talaga ako ng time para kay Zia and of course kay Dong. For sure palagi kaming ganyan. After ng mahabang trabaho kailangan mag unwind kami," sabi ni Marian.

Nagkuwento naman si Marian sa madamdaming video na ipinost ng kaniyang mister para sa kanilang third wedding anniversary noong Disyembre 30.

"Umiyak ako nang bonggang bongga. Sobrang na touch talaga ako. Ang sarap na pinapanood siya tapos ma-realize mo lalo na napaka-thankful mo na magkaroon ng ganitong klaseng pamilya na binigay ng Panginoon. Nakakakilig. Ay sandali naapakan mo ang buhok ko!," masaya niyang kuwento.

Itotodo na raw ni Marian ang mga action scenes sa Super Ma'am para fitting ang kaniyang farewell sa kaniyang character sa serye.

Nabanggit din ni Marian na maraming kumakausap sa kaniya para gumawa muli ng pelikula ngayong 2018 pero mapili raw siya ngayon.

Tinitingnan din ni Marian ang posibilidad na makagawa ng first independent film na kaniyang pagbibidahan.

"Siyempre sasalain pa rin. Titingnan pa rin kung okay. Ayoko naman kasi gumawa ng basta basta lang," anang aktres.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News