Hindi man sanay, labis naman ang paghanga ng Kapuso actor na si Paolo Contis sa nakikita niyang pagmamahalan ng kaniyang kasintahan na si LJ Reyes at anak nito na si Aki.

Sa programang "Tonight With Arnold Clavio" nitong Huwebes, sinabi ni Paolo na napalapit at minahal na niya si Aki dahil sobrang sweet ang bata.

"Si Aki minahal ko 'yon kasi loveable talaga si Aki. Sobra, sobrang sweet si Aki. So never kong pinilit ang sarili ko kay Aki, and in the same manner na si Aki at saka si LJ, sobrang sarap nilang tingnan. Hindi ako sanay sa ganu'n eh. Matigas ako eh," sabi ng aktor.

Kuwento naman ni LJ, napalapit na rin si Aki kay Paolo kaya may mga usapan ang dalawa na hindi niya naiintindihan.

"Sila kasi meron nang usapan na hindi ko na alam. Alam ni Aki kapag boy talk, siya na 'yung kinakausap. Tapos siya na lang nagkukuwento sa 'kin, kunwari, kalokohan ni Aki, 'yung mga sinasabi niya," sabi ni LJ.

Ayon kay Paolo, sensitibo raw si Aki at may respeto sa babae.

"Siyempre ang pinakauna mong ituturo ru'n 'yung respeto sa babae, pero totoo, si Aki, may respeto talaga kasi lumaki siya kay LJ.  So sensitive siya. Iyakin! Parang nanay! Sa pelikula iyakin," natatawang kuwento ni Paolo.

Nagpapalusot pa raw si Aki sa tuwing maiiyak sa pelikula.

"'Bakit ka umiiyak?' 'Ano, wala, napuwing 'yung mata ko,'" palusot daw ni Aki kay Paolo.

"Cute actually. Kasi hindi ako ganu'n eh. Nu'ng bata ako, kami ng mama ko, love-hate kaming dalawa eh. So 'pag nakikita ko sila, sa totoo nangingiba, actually hanggang ngayon hindi ako sanay sa sweetness ng relasyon nilang dalawa," sabi ng aktor.

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News