Ikinuwento ng Kapuso couple na sina Paolo Contis at LJ Reyes kung paano nagsimula ang kanilang love story, at ang first impression nila sa isa't isa.

Sa programang "Tonight With Arnold Clavio" nitong Huwebes, sinabi ni Paolo na "maputing bata" lang ang tingin niya noon kay LJ. Samantala, "siga" naman ang dating ni Paolo kay LJ.

Pabiro namang sabi ni Paolo, sobra raw sa kaputian ang kili-kili ni LJ, kaya lumusot ang tingin niya at nakita ang busilak nitong puso.

"'Yung puti ng kili-kili, sumobra sa kaputian ng kalooban. 'Pag tinitigan mo nang mabuti 'yung kili-kili, lulusot 'yon. Pupunta ngayon sa puso. Makikita mo, busilak," sabi ni Paolo.

Nagsimula raw noong ma-in love si Paolo kay LJ nang mag-usap sila nang masinsinan.

"I was going through rough paths in life tapos nakakuwentuhan ko siya. Si LJ, napaka-positive na tao, tawa nang tawa, nakakahawa siya. Eventually, I got to know her," sabi ng aktor.

Dito na raw nanligaw si Paolo, pero may mga pagkakataon na hindi ito naramdaman ni LJ.

"Sa Antipolo 'yung taping, pupunta ako para magbigay ng kape, wala lang 'yon?" sabi ni Paolo kaugnay ng reaksyon ni LJ.

May pagkakataon ding nalasing si Paolo kaya lumakas ang loob niya kay LJ na mag-text, pero wala lang daw ito sa babae.

"Hindi niya alam na nanliligaw ako. Akala ko pa naman may gusto rin siya sa akin. Na-assume ko na gusto ako. Apparently, wala," sabi pa ng aktor.

"Ayokong nag-assume anything like that. At saka, kasi minsan 'pag friend ko naman, kapag tinuturing kong friend, hindi ko nilalagyan ng kulay," depensa naman ni LJ.

Naramdaman daw ni LJ na seryoso si Paolo nang paulit-ulit nitong sabihing seryoso siya sa panliligaw.

Ikinuwento pa ni Paolo ang isang pagkataon kung saan may isang event si LJ noon. Naubusan daw ang dalaga ng kanin kaya naisip ni Paolo at ng kaniyang kaibigan na bilhan si LJ.

Pero nagselos daw si Paolo nang mag-"I love you" si LJ sa kaibigan pero hindi sa kaniya.

"Sabi niya du'n sa kaibigan ko 'I love you!' tapos niyakap niya. Tatlong buwan na akong nanliligaw, ni holding hands wala akong nakuha?! Ito may 'I love you agad'? Ang sakit!," balik-tanaw niya.

Ngayong tatlong taon na ang kanilang relasyon, ikinuwento nina LJ at Paolo na binabalanse raw nila ang isa't-isa pagdating sa pananaw sa buhay.

"Nagba-balance out kami kasi ako sobrang positive ko with people, with circumstances. Siya, negative. Eh minsan 'di ba sobra-sobra, minsan masama rin 'yun. Masyado akong hopeful with everything, idealistic ako, naba-balance out niya na parang 'Oops.' Hindi naman inaawat, parang pinapakita niya rin sa akin 'yung truth kasi sobrang idealistic ko eh. So mas nagiging truth 'yung nakikita ko kesa [reality]," sabi ni LJ.

"In the same manner na 'yung negativity ko, 'Hindi naman lahat ng tao ganiyan,'" sabi ni Paolo. -- FRJ, GMA News