Inamin ng aktres na si Claudine Barretto na nagpapatingin siya sa isang psychiatrist dahil na rin sa kaniyang mental disorder na nagkakaroon siya ng panic attack na napansin noong 2002, ang taon nang pumanaw ang dati niyang nobyo na si Rico Yan.

“Yes, I do see a psychiatrist,” saad sa portion ng Instagram post ni Claudine kasama kaniyang psychiatrist na si Dr. Babes Manalo.

 

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Claudine na natuklasan ang kaniyang panic disorder noon 2002.

“I just felt na parang mamamatay ako. Hindi ako makahinga, parang I was sinking. I was drowning tapos parang lumiliit 'yung kuwarto, nagko-cold sweats ako tapos hihimatayin….There were days na feeling ko na parang, 'Oh my god. I’m going crazy,'” saad ni Claudine sa panayam ng nabanggit na programa.

Ayon kay Dr. Manalo, pangkaraniwan ang panic disorder na kasama sa anxiety disorders. Isa umano ito sa maraming psychiatric o mental disorders na nakararanasan ng marami.

“It’s common to both man and woman. We have triggers initially, then after that…minsan dumadating lang siya. That is the reason why medication [is important]. Importante din talaga na nagpapatingin,” sabi duktor.

Ayon ayon Claudine, ang panic disorder niya ay bunga ng pagod sa trabaho,pagkawala ni Rico Yan, at hiya sa sarili.

“I was working every single day because I wanted to tire myself para pag-uwi ko, tulog na lang. Hindi ko na maiisip 'yung pagkamatay ni Rico,” pag-amin ng aktres na hindi niya naipagluksa ang pagkawala ng dating kasintahan.

“Hanggang ngayon, dala-dala ko because I never really grieved. I just kept working and working. Hindi pa ako talagang nakapag-rest para umiyak, up to this day,” patuloy ni Claudine.

Sabi ni Dr. Manalo, may kasama rin umano ng guilt felling sa kaso ni Claudine.

“The feeling na wala kang nagawa. You feel guilty that you didn’t give your best to someone whom you really cared for. So all that [dinala ni Claudine]. ‘I’m not allowed to let them [the public] see how I feel, kasi meron kang certain image that you have to protect,” paliwanag ng duktor.

Sinabi ni Claudine na ang namayapang direktor na si Wenn Deramas ang nagpayo sa kaniya na magpatingin sa a psychiatrist dahil napansin ang kakaiba niyang kilos.

Pagbabalik-alaala ni Claudine, napansin umano ni Deramas na namumutla siya paikot-ikot sa kuwarto kaya tinanong siya kung anong nangyayari.

“Hindi ko alam', sabi ko. Tapos biglang ayun na. I started crying. I couldn’t breathe," ani Claudine. "Akala ko mamamatay na ako, parang magkaka-heart attack 'yung feeling... Sabi ni direk, magpatingin na ako.”

Nagsimula umano ang kaniyang panic attack na tumatagal ng dalawang minuto, naging limang minuto, hanggang sa tumindi pa.

May pagkakataon umano na naisip niyang tumalon sa gusali.

"Because hindi ko alam paano ako pupunta sa emergency room at i-eexplain sa tao or sa doctors doon na parang pakiramdam ko I’m sinking. I’m drowning. Nakakahiya, ” paliwanag niya.

Ayon kay Dr. Manolo, may ibang kaso na mabilis na nagagamit ang panic disorder at mayroon ding matagal na kailangan ng ilang gamutan. Sa kaso ni Claudine, nakapagpatingin na umano ang aktres sa ilang duktor bago niya nakita ang duktor kung saan siya komportable.

Ayon kay Dr. Manalo, mahalagang manatiling kalmado ang pasyente kapag inaatake. Isa umano sa maaaring gawin para matulungan ang pasyente ay ang tinatawag na "grounding."  Dito ay dapat itanong sa pasyente at ipabanggit ang limang bagay na nakikita sa kaniyang paligid.

Kapag nagawa ito nang tama ng pasyente, maaari siyang alalayan na huminga nang malalim.

Sa kasabay ng kaniyang pag-amin sa kaniyang karamdaman, hinikayat ni Claudine ibang nasa katulad niyang sitwasyon na huwag mawalan ng pag-asa.

“Nagamit na to ito against me. Ngayon, ang gusto ko talaga is to be able to help other people. May solution. There is a way out. Huwag mahiya and be compassionate towards each other,” sabi ng aktres. — FRJ, GMA News