Puno ng kasiyahan si Marian Rivera dahil patuloy na dumadami ang mga batang may bingot na naoperahan ng organisasyon na kaniyang tinutulungan. Kinumpirma rin niya ang naging pagkikita nila sa isang event ng ex-girlfriend ni Dingdong Dantes na si Karylle.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing all smiles si Marian nang dumating sa special event ng Smile Train, organisasyon na tumutulong sa mga batang may bingot na maoperahan.

Ipinagdiriwang nila ang ika-50,000 bata na kanilang natulungan. Sa naturang event, iniabot ni Marian ang donasyon na mula sa nalikom sa sales ng isang endorsement niya.

Masaya si Marian na maging bahagi ng grupong tumutulong magbigay ng magagandang ngiti sa mga bata.

Very visible rin si Marian sa pagdalo sa mga exhibit at launch ng kaniyang malalapit na kaibigan tulad ng designer na si Michael Cinco at photo exhibit ni Mark Nicdao.

Kinumpirma rin ni Marian na nagkita sila sa isang event ng singer/actress na si Karylle, na ex-girlfriend ng kaniyang mister na si Dingdong.

"Wala naman talagang problema sa akin since day one eh. Siguro ito ang tamang panahon na nagkita kaming dalawa. Masaya dahil nagbatian naman kaming dalawa at wala namang problema," kuwento ni Marian.

Taong 2008 nang mag-break sina Dingdong at Karylle.

Napangasawa ni Karylle ang pop-rock artist na si Yael Yuzon.

"Mas maganda na good vibes lang at lahat magkakasundo, at mas maganda talaga na pinaiiral mo ang love," sabi ni Marian. -- FRJ, GMA News