Nagbigay ng tips tungkol sa pag-ibig ang "The Stepdaughters" leading ladies na sina Megan Young at Katrina Halili nang maging bisita sa programang "Tonight With Arnold Clavio."

Kasama sa tips ng mga aktres ay tungkol sa pag-move on sa relasyon at mga nasa "LDR" o long-distance relationship, gaya ng mga may-asawang OFW.

"Actually mahirap talagang mag-move on lalo na 'pag nag-invest ka ng time, ng energy, ng love mo sa isang tao. But it really takes time to heal," sabi ni Megan.

"Iiyak mo 'yan. Iiyak mo muna, 'di ba? Iyak tapos uminom ka ha, kahit red wine lang, kahit ano. Tapos iiyak mo. Tapos tama na. After nu'n, mag-move on ka na, samahan mo ng prayers para mas strong 'yung pag-move on mo," payo naman ni Katrina.

Tumawag naman si "Precious" sa programa na nanghingi ng payong pag-ibig dahil OFW ang kaniyang mister at wala pa silang anak kahit matagal na silang kasal.

"Trust lang and prayers," sagot ni Katrina.

"Marami ding nagsasabi sa 'kin na sa una, love daw talaga ang simula ng relationship. After awhile trust, tapos 'yung respeto niyo sa isa't-isa, 'yung responsibility niyo sa isa't-isa ang pangangalagaan niyo," ayon naman kay Megan.

Sa "Nasubukan Mo Na Ba" segment naman, sinagot nina Megan at Katrina kung nagkaroon na sila ng long-distance relationship, may nang-stalk na sa kanila, at kung nakasalo na sila ng bouquet sa kasal.

Aminado rin ang dalawa na minsan na silang nasaktan sa pag-ibig.

 

--Jamil Santos/FRJ, GMA News