Sina Derrick Monasterio at Juancho Trivino ang mag-aagawan sa puso ni Barbie Forteza sa bagong GMA primetime series na "Inday Will Always Love You."

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing komportable na sa isa't-isa sina Derrick at Barbie dahil sa dami ng projects na kanilang pinagsamahan.

"Nakakatuwa kasi 'yung mga projects namin ni Barbie nagkakataong lagi kaming lumilipad ng plane and laging sa lugar na hindi kami familiar. So nakakatuwa kasi na-explore namin ang Pilipinas and siyempre, nabubuo lagi 'yung bond," sabi ni Derrick.

First time namang makakasama ni Juancho ang "DerBie" love team, at aminado siyang hamon ito sa kaniya.

"Nakaka-pressure naman talagang maging third party or second leading man dahil kung ano man 'yung sinet (set) ng standards ng leading man, kailangan kong tapatan 'yon," ayon kay Juancho.

Big-time ang mga makakasama nilang co-stars tulad nina Manilyn Reynes, Ricky Davao, Gladys Reyes, Tina Paner at Super Tekla.

"Sa story con pa lang ang kukulit na kahit sila Miss Gladys, sila Tita Nova, ang kukulit na nila," ayon kay Barbie.

Gagawin sa Cebu ang kanilang shooting, kaya naman excited silang lumipad doon.

"Sana po hindi tumaba 'yung batok ko kakakain ng lechon," biro ni Barbie.

"Puso, puso 'yung gusto kong matikman ulit, kasi du'n ako makakakuha ng puso," saad ni Juancho.

Sabi naman ni Derrick, "'Yung tao kasi sobrang warm nila lagi 'pag nagmo-mall show kami sa Cebu." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News