Nagkahiwalay man, sinabi ng Kapuso actor na si Mikoy Morales na marami siyang natutunan sa naging relasyon nila ng "Haplos" lead star na si Thea Tolentino. Saad ng binata, may nilikha siyang mga kanta para kay Thea noong sila pa at nang mag-break na sila.

Sa panayam ni Rhea Santos sa programang "Tunay Na Buhay," sinabi ni Mikoy na kabilang sa natutunan niya sa relasyon nila Thea na "live the moment."

"Ang pinakamalaking natutunan ko sa kaniya, sa relationship namin, is 'yung living the moment. Because I'm really an over thinker and it gets in the way of my work a lot of times," saad niya.

Ayon pa kay Mikoy, maayos ang naging paghihiwalay nila ni Thea at bukas sila sa anumang posibilidad na mangyayari sa kanilang dalawa.

"Nandu'n kami sa anything can happen, which is the reason kung bakit ang tagal din, naka-ilang closures kami. Nakailang usap kami na 'last na talaga' pero hindi. It was hard," pagbabahagi ng aktor.

"It was a really good break-up and sometimes, honestly, wini-wish ko na sana may ginawa na lang kaming mali para may rason kami para mag-move on talaga pero wala eh," natatawa pa niyang dagdag.

Panoorin ang buong panayam kay Mikoy sa "Tunay Na Buhay."

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News