Matapos ipaalam ni Iya Villania sa publiko ang kasarian ng kanilang baby number 2 ni Drew Arellano, ikinuwento ng Chika Minute host kung anong pagkain ang kaniyang hinahanap-hanap ngayon.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sa crossfit training idinaan nina Drew at Iya ang gender revelation ng kanilang second baby na lalaki uli.

"To set the record straight, hindi namin alam ni Drew kung ano ang gender, parehas lang kaming na-surprise," saad ni Iya na almost four months pregnant na.

Pero bago pa man ang kanilang rebelasyon, sinabi ni Iya na napanaginipan ng TV host-actress na lalaki ang magiging bunsong kapatid ni Primo.

Sa pagbubuntis ngayon ni Iya, mas naging choosy raw siya sa pagpili ng pagkain. Noodles at soup daw kaniyang madalas na hinahanap.

"Mga food aversions like 'yung sobrang type ko noon na pizza o pandesal hindi ko masyado type ngayon o hinahanap," sabi pa niya.

Pinag-iisipan na rin daw ng mag-asawa kung ano ang ipapangalan nila sa baby.

Samantala, ang mga kaibigan ng mag-asawa tulad nina Michael V, Betong Sumaya, Arny Ross at Valeen Montenegro, excited rin para sa bagong baby ng mag-asawa.

"Iya, hindi ko alam kung ano mayroon sa 'yo. Bakit tuwing 'Lip Sync Battle' nabubuntis ka," natatawang sabi ni Michael V. "Anyway, congratulations sa inyong dalawa."

"I'm so happy sa girlfriend ko na si Iya," natatawang sabi ni Betong Sumaya. "At si Drew, oh my goodness another blessing. I'm so happy madadagdagan na siyempre may kapatid na si Primo." -- FRJ, GMA News