Matapos ang matagumpay na afternoon series na "Ika-6 Na Utos," may kaniya-kaniyang pagkakaabalahan ang mga pangunahing bida ng serye. Tulad na lang ni Ryza Cenon na nakakuha ng parangal sa ginanap na 2018 Osaka Asian Film Festival sa Japan.

Sa Star Bites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing naiuwi ni Ryza ang Yakushi Pearl Award o Most Brilliant Performer Award para sa pagganap niya sa pelikulang "Mr. And Mrs. Cruz."

Sa kaniyang Instagram post, inihayag ng aktres na gumanap na kontrabidang si Georgia sa "Ika-6 Na Utos," ang matinding kasiyahan sa natanggap na parangal.

"Woohhoo!!! Thank you! Mabuhay ang Pelikulang Pilipino!! Hindi pa rin ako makapaniwala hahahah ganito pala feeling. Nakuha ko ang perlas para sa Pilipinas," saad ng aktres.

 

Samantala, ang gumanap naman na "Rome" sa serye na si Gabby Concepcion, aminadong may "pressure" na nararamdaman sa kaniyang susunod na project dahil sa matinding tagumpay ng "Ika-6 Na Utos".

Sabi ni Gabby, ang magandang team ang susi sa success ng teledrama. Nangako ang aktor na lalo pa niyang pagbubutihin ang trabaho sa susunod na proyekto.

"Nakakalungkot na maghihiwalay na kami pero masaya rin sa feeling namin kasi ang taas nang rating bago kami bumitaw," sabi niya.

Ang naging katambal naman niya sa serye na si Emma, o si Sunshine Dizon, may malaking proyekto rin na nakatakdang gawin.

Sinabi sa ulat na isang reunion project ang niluluto kung saan makakasama ni Sunshone ang mga orihinal na Sang'gre ng "Encantadia" na sina Iza Calzado, Karylle, at Diana Zubiri. -- FRJ, GMA News