Kahit matagal nang magkakilala at naging on screen partners, aminado sina Kapuso stars Barbie Forteza at Derrick Monasterio na may natutuklasan pa rin sila sa isa't-isa, lalo na sa shooting ng kanilang upcoming movie na "Almost A Love Story."

 

 

Sa ginanap na grand press conference ng "Almost A Love Story" nitong Martes sa Pasig City, sinabi ni Barbie na humahanga siya na nag-mature si Derrick habang magkasabay silang nagkakaedad.

"Napaka-gentleman niya pala. Aminin mo naman through the years, nag-mature ka na (kausap si Derrick). Lagi siyang concerned sa akin," sabi ni Barbie.

"Kasi minsan talaga kulang 'yung sweater and the thermal wear. So kailangan talaga, so mabuti na lang nandoon siya," dagdag ng aktres.

Ngunit napansin din umano ni Barbie ang pagiging makalat sa gamit ni Derrick na normal naman daw sa mga lalaki.

"Normal naman sa lalaki 'yon na naghuhubad tapos kung saan-saan na lang nilalagay 'yung mga gamit. Hindi siya masyadong masinop sa outfit and sa clothes. Pero okay naman, more than that, okay na okay naman si Derrick," paliwanag niya.

"Wala namang pangit eh, lahat maganda," pansin naman ni Derrick kay Barbie. "Ang na-discover ko, ang sarap-sarap niyang alagaan. Sobrang nagre-rely siya sa 'yo kapag nasa unfamiliar territory siya," sabi ng aktor.

Pag-amin ng dalawang Kapuso stars, tila naging "Almost A Love Story" ang kuwento ng kanilang pagiging magkaibigan.

"Kasi po kami ni Derrick, matagal na po kaming close, 'Twin Hearts' pa lang. Tapos after nu'n, nagkaroon kami ng chance na maging on-screen love team sa 'The Road,' 'Luna Blanca,' 'Paroa' tapos 'Anna Karenina'. So maraming chances, actually. May mga times na lumabas kami. Nagluto kami ng lasagna sa bahay niya with my parents. So may mga ganu'n kaming moments," sabi ni Barbie.

"Kaya lang kasi, na-realize ko na mas tumatagal ang friendship, andami nang nangyari sa buhay ko, andiyan pa rin si Derrick. Andami nang dumaan, si Derrick palagi pa ring andiyan. Feeling ko, good decision naman na naging 'Almost A Love Story' na lang kami," dagdag ni Barbie.

Pag-amin naman ni Derrick, mayroon siyang panghihinayang kahit paano na hindi naging sila ni Barbie.

"Meron po kasi si Barbie lang 'yung babaeng na-in love ako nang dalawang beses. Dati kasi ayaw niya sa akin, nu'ng niligawan ko siya for the first time, binasted niya ako, so hindi ako sumuko, na-in love pa rin ako sa kaniya," pagtatapat ng binata.

"Hindi naman po ako nawalan ng admiration kay Barbie. Na-set aside lang kasi working kami pareho," patuloy niya.

Sa "Almost A Love Story," balik-tambalan ang "DerBie" at nag-shoot pa sila ng ilang eksena sa Salento, Italy.

Iikot ang istorya kina Luigi at Baneng, na magkakilala pa mula pagkabata, at mai-in love sa isa't-isa sa kabila ng kanilang pagkakalayo. Sa istorya, OFW sa Italy ang nanay ni Baneng, na magpapalaki kay Luigi, na anak ng kaniyang pinagsisilbihan.

Parehong may hilig sa art ang dalawang karakter.

Makakasama nina Barbie at Derrick ang mga batikang aktres na sina Lotlot De Leon at Ana Capri.

Sa direksyon ni Louie Ignacio at handog ng BG Productions International, ipapalabas sa mga sinehan ang "Almost A Love Story" sa Abril 11, 2018.-- FRJ, GMA News