Dahil sa pelikulang "Almost A Love Story," nagkaroon ng pagkakataon ang Kapuso actress na si Barbie Forteza na makapunta sa Salento, Italy kasama ang leading man na si Derrick Monasterio. Kuwento ng aktres, kung sa Pilipinas ay karaniwang nasa bahay na siya pagsapit ng gabi, sa Italy, naranasan daw niyang gumala.

 

Ilang araw ding namalagi si Barbie sa Italy para kunan doon ang ilang eksena ng pelikula. At dahil halos pitong oras ang time difference ng Pilipinas at ng Italya, naging mahirap daw ang komunikasyon nila ng nobyong si Jak Roberto.

"Parang seven hours 'yung time difference. Pero 'pag patulog na siya, pagising pa lang ako. Tapos kapag naman gising siya the whole day, hindi ko naman hawak 'yung phone ko kasi nagwo-work. Itong eight days lang naman, wala naman naging problema."

Aminado si Barbie na nasabik siyang makita si Jak pag-uwi niya ng Pilipinas.

"Oo naman, sobra. Kapag kasi nandito sa Pilipinas 'pag wala rin lang trabaho, palagi kaming magkasama. Or after work nagkikita kami, nagdi-dinner kami. Para sa amin mahirap na 'yung eight days na hindi magkasama tapos hindi palaging magkausap kasi malayo and 'yung time difference mahirap. Pero kinaya naman," sabi ng aktres.

Ayon pa kay Barbie, wala namang selos na nararamdaman si Jak kay Derrick bilang leading man ng dalaga sa "Almost a Love Story." Katunayan, kampante raw si Jak na "in good hands" si Barbie kay Derrick.

Dagdag ng dalaga, suportado ni Jak ang movie nila ni Derrick pero hindi ito makakapanood sa kanilang premier night dahil may trabaho ang nobyo.

"Gusto nga niyang manood kung wala lang daw taping. Kasi premier night namin Tuesday, may taping siya," sabi ni Barbie.

Kasama si Jak sa bagong Kapuso afternoon series na "Contessa" na pinangungunahan ni Glaiza De Castro.

Samantala, sinabi ni Barbie na hindi naman naging istrikto si Jak sa mga paggala niya sa Italy. Katunayan, sinabihan pa raw niya ng nobyo na i-enjoy ang trip sa Italy.

"Wala naman [mga bilin]. Grabe naman. Ang bad, bad ko naman para magkaroon ng rules. Wala naman. Ang sabi niya lang sa akin, 'Minsan ka lang magpunta sa ibang bansa, sulitin mo na,'" sabi pa ni Barbie.

"Kinukuwento ko sa kaniya 'yung mga ginagawa ko, siyempre tsaka kila mama, so alam din nila. Hindi naman ako pasaway na bata. Tsaka 'yung night life ko hindi naman 'yung todo-party. Natutuwa lang ako kasi dito sa Pilipinas, 'pag gabi nasa bahay na ako. Du'n nakagala ako," dagdag ng aktres.

 

 

Cioccolata Classica

A post shared by Barbie Forteza (@barbaraforteza) on

 

Inihayag din ng aktres na hindi siya nalulungkot kung hindi pa sila nagkakaroon ng project ni Jak bilang love team. Naniniwala si Barbie na alam ng network ang nakabubuti para sa kanilang career.

"Hindi naman ako napu-frustrate. Siguro mas mapu-frustrate ako 'pag nalaman ko na hindi nagiging maganda 'yung career namin dalawa. Pero kung ito 'yung mas makakabuti para sa amin, why not? I will support all the way kung kanino man siya ipa-partner," saad niya.

"Sino ba naman kami ni Jak para diktahan sila? They've been in the biz for so many years, alam na po nila 'yung ginagawa nila. So I'm sure, meron silang rason kung bakit nila ginagawa 'yun," dagdag ni Barbie.

Hindi rin daw hinahayaan ni Barbie na makaapekto sa relasyon nila ni Jak ang love team niya kay Derrick.

"Ever since naman, personally, ayoko naman magpanggap na kung sino 'yung ka-partner ko, dapat i-push ko siya, then in real life. Ako, iba naman 'yung gusto ko talaga eh sa isang lalaki, iba 'yung pine-pair sa akin. Hindi ko naman nirereklamo, hindi ko tinatanggihan. Ginagawa ko 'yung trabaho ko. Pero 'pag personal, personal," paliwanag pa niya. -- FRJ, GMA News